Dahil hindi umulan, Chief Bato nagsabing “Mahina pala ako kay Lord”




Image from Philippines Now

“Mahina pala ako kay Lord!”

Ito ang pabirong pahayag ng hepe ng Philippine National Police na si Director General Ronald “Bato” Dela Rosa dahil hindi umano natupad ang dalangin niyang sana’y umulan noong Miyerkules, ika-30 ng Nobyembre.

“Umulan ba? Hindi? Mahina pala ako kay Lord, mahina ako, hindi ako pinagbigyan,” ani Dela Rosa nang malaman na hindi bumuhos ang ulan noong Miyerkules kung kailan ginanap ang malaking rally ng mga nagpoprotesta kontra sa libing ng yumaong dating pangulong Ferdinand Marcos.

Aniya, marami yatang inalay na mga itlog ang mga protesters kaya hindi umulan.

Isang pamahiin ng mga Pilipino na kapag may mahalagang okasyon, dapat raw mag-alay ng itlog kay Santa Clara upang hindi umulan.

Matatandaang nagbiro si Dela Rosa na aatasan niya umano ang lahat ng mga pari na ipagdasal na umulan noong Miyerkules upang hindi matuloy ang protesta.

“I-require ko lahat ng pari ng chaplain service namin to pray for rain. Magdasal iyong mga pari na umulan para hindi sila makapag-grupo. Lahat ng pari, buong mundo, at buong PNP, pinagdadasal ko ng rain,” sabi niya.

Ngunit kamakalawa, sinabi ni Dela Rosa sa ABS-CBN na siya’y nagbibiro lamang  “pero may laman ‘yung biro ko,” aniya. “Pasensya na kung na-offend sila.”

“To be frank about it, to be candid about it, ikaw ang Chief PNP, pag may malakihang rally, nagkakagulo ‘yan, maraming masaktan, hindi ba kargo de konsensesiya mo ‘yan?” paliwanag niya. “So para walang mangyayaring ganun, mas maganda nang may ulan para walang protesta, para walang gulo. Ako naman ay gusto ko kayong walang gulo. ‘Yun lang ang sa akin.”

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, ang maaraw na Bonifacio Day protest ay ikatlo sa serye ng mga protesta mula nang malibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani noong ika-18 ng Nobyembre.