Sa kanyang Las Vegas trip, “Kasalanan pala iyon?” – PNP Chief Dela Rosa




Larawan mula sa Joeam. Com via Wikipedia

Iginiit ni Philippine National Police Chief, Director General Ronald Dela Rosa na ang kaniyang gastos sa biyaheng Las Vegas upang masaksihan ang laban nina Senador Manny Pacquiao at Jessie Vargas ay libre. Ngunit naging daan ito upang magpaimbestiga ang Office of the Ombudsman.

Nitong Huwebes, ang anti-graft body ay nakitaan ang PNP Chief ng posibleng paglabag sa  Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees nang tanggapin nito at ng kaniyang pamilya ang pagpapaunlak ni Senador Pacquiao na manood ng laban.

“Sala diay to? [Kasalanan pala ‘yon?]. Makulong ako para sa imbitasyon… ang importante hindi ‘yun kurakot na kuwarta,” ani PNP Chief Dela Rosa.

Dinipensahan naman ni Senador Pacquiao ang kaniyang desisyon para sa pagbiyahe kasama ang pamilya ni PNP Chief Dela Rosa.

Samantala, nakasaad sa  Republic Act 6713: “public officials and employees shall not solicit or accept, directly or indirectly, any gift, gratuity, favor, entertainment, loan or anything of monetary value from any person in the course of their official duties or in connection with any operation being regulated by, or any transaction which may be affected by the functions of their office.”

[Hindi maaaring tumanggap ang sinumang opisyal at empleyado ng gobyerno, tuwiran, hindi tuwiran, ng mga regalo, pabuya, pabor, aliwan, o anumang salapi kaninuman, o kahit anumang transaksiyon na maaaring makaapekto sa kaniyang trabaho.]

Bumili umano si Senador Pacquiao ng may dalawang libong tiket na nagkakahalaga ng higit sa isang milyong dolyar, kasamang nagtungo sa laban ang ilang mga kaibigan at mula sa gobyerno, ayon sa ulat ng ABS CBN.

“It’s an honor na lahat sila, nakasuporta sa akin. Si Bato, Aguirre, at marami pang iba. ‘Yung mga kasama na congressmen, si Toby Tiangco, Senator Villanueva. Maraming kaibigan na pumunta dito,” ayon kay Pacquiao.

“Libre ito ni Manny,” giit ni dela Rosa. Dagdag pa nito: “lahat sila, galing ito sa Senator. Baka sabihin nila, government funds. Hindi naman ako ganoon kayaman.”

Source :

ABS CBN, ABS CBN, GMA