PNP Chief Dela Rosa, Suportado ang Posibleng Suspensiyon ng Writ of Habeas Corpus




File Photo

Nagpahayag ng suporta si Philippine National Police Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspindehin ang writ of habeas corpus kung magpapatuloy ang lawlessness sa Mindanao.

Sa press conference, ani Dela Rosa ang suspensiyon ng writ of habeas corpus ay magiging bentahe sa kanilang kampanya kontra droga.

“Malaki po (ang tulong nito). Number 1 it will make our job easier, number 2 it will provide enough deterrence to the drug violators,” ayon kay Dela Rosa.

Nauna nang ipinahayag ni Pangulong Duterte na ang planong suspensyon ay dahil sa diumano’y hinihinalang rebelyon sa Mindanao. Dagdag pa nito, ang suspensyon ay para damputin ang mga responsable sa lawlessness.

Ang writ of habeas corpus ay magbibigay sa tao ng karapatang magprotesta sa kaniyang pagkakaaresto at pagkakakulong. Ito ay magsisilbing instrument sa pagbabantay ng indibidwal sa kaniyang kalayaan laban sa aksiyon ng gobyerno.

Sa ulat ng GMA, ani Dela Rosa, hindi pa sila nakapag-uusap ni Pangulong Duterte, subalit paniwala nito na isinasaalang-alang nito ang lahat ng salik sa sitwasyon ng bansa.

“Lahat ikinonsider, lahat pinactor in sa desisyon ng Presidente,” ani Dela Rosa.

Dagdag pa ni Dela Rosa,  maglalabas sila ng mga panuntunan kapag magbababa ng kautusan ang Pangulo.

“Ilalabas ‘yung ating magiging guidelines towards that kung lalabas ‘yung order ni Presidente pertaining to that, pag-usapan ‘yan ng aming mga legal para uniform ‘yung implementation sa magiging order na yan,” saad ni Dela Rosa.

“Ako po ay hindi abugado, ako ay isang ordinaryong pulis lang pero makatutulong iyan sa amin. Matatakot iyong mga drug personalities, iyong deterrence diyan e talagang matatakot sila,” pahayag pa ni Dela Rosa.

Samantala tiniyak naman ni Dela Rosa sa publiko na walang pang-aabuso sa kapangyarihan na magaganap.

“We remain that we are here to serve and protect, [ mananatili kaming nagsisilbi at magpoprotekta] magseserbisyo po kami nang tutuo at hindi po kami mag-aabuso, ‘yun po ang aming assurance to the public,” giit ni Dela Rosa.

Kung nais ng mga pulis na mang-abuso ay gagawin talaga nila ito, may suspensiyon man ng writ o wala, ani Dela Rosa

“Kahit may suspension ng writ of habeas corpus o wala, kung talagang gustong mag-abuso ng pulis, kung talagang abusado ang pulis gagawa talaga ng kaabusuhan yan, kahit na anong measures, kahit na ano pang batas nandyan,” ayon kay Dela Rosa.

“Kung basically abusado ‘yung kapulisan ninyo, mag-aabuso talaga ‘yan. Kahit na anong i-offer diyan na mga avenues of ***** na puwedeng exploit ng kapulisan, kung siya ay maka-Diyos, makatao, hindi siya mag-aabuso so I’m giving this assurance to the public,” dagdag pa ni Dela Rosa.

Source :

GMA, Rappler, Sun Star