Kilalanin si Khanzir, ang nag-iisang baboy sa buong Afghanistan




Maraming tao na nagmumula pa sa malayong dako ang dumarayo makita lang ang baboy na si Khanzir na popular sa Afghanistan.

Ang kasikatan ni Khanzir ay dahil sa siya lang ang nag-iisang baboy sa buong Afghanistan kung saan, tulad ng  karamihan sa  mga Islamic nations, itinuturing na haram (o ipinagbabawal ni Allah) ang pagkain ng baboy kaya naman walang pig farm doon.

Sa kabuuan, ayon kay Aziz Gul Saqib, direktor ng Kabul Zoo, karamihan sa mga taga-Afghanistan ay hindi pa nakakakita ng baboy sa buong buhay nila.

Ayon sa ulat ng SCMP, kahit nag-iisa si Khanzir ay hindi naman ito nalulungkot dahil mayroon siyang nabuong espesyal na ugnayan sa kaniyang mga tagapag-alaga tulad ng zookeeper na si Shah Barat.

Ani Barat, kahit matanda na at mabigat si Khanzir sa timbang na halos 230 kilos, mabilis pa rin itong lumalapit sa kanya kapag dinadalhan niya ito ng pagkain.

Ayon pa sa zookeeper, hindi naman hadlang ang kanyang paniniwalang pang-relihiyon sa pag-aalaga niya kay Khanzir.

“Oo, haram siya, pero hindi naman ito isang bagay na masama. Isa itong zoo kaya may ganitong uri ng hayop dito. Inosente si Khanzir, tulad rin ng iba pang hayop. Oo, marumi siya pero responsibilidad namin siya,” paliwanag  si Barat.

Noon daw ay may ka-partner si Khanzir at nagkaroon sila ng mga supling na biik. Pero dahil sa isang malungkot na pangyayari ay namatay ang mga ito. Noong 2006, hindi sinasadyang naiwan ng zookeepers ang pintuan ng kulungan ng mga oso at isa sa mga oso ang nakapasok sa kulungan ng pamilyang-baboy ni Khanzir at inatake ang mga biik. Sugatan rin sa pag-atake ang partner ni Khanzir at kalaunan ay namatay rin iyon.

Ayon sa mga Opisyal ng Kabul Zoo, hinahanapan na nila ng makakapartner si Khanzir.

Ang ibig sabihin ng pangalan ni Khanzir sa wikang Afghanistan ay “baboy.”

 

Source :

SCMP, MSN