Kalihim Bello ng DOLE: Regular na ang 25,000 kontraktwal na empleyado




File Photo

Hindi bababa sa 25,000 na manggagawa ang na-regular na sa trabaho kaugnay sa kampanya ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ihinto ang kontraktwalisasyon sa pagtatapos ng 2017.

Ito ang masayang ipinahayag ni Silvestre Bello III, kalihim ng DOLE, ayon sa ulat ng GMA.

“As of two weeks ago, we already registered the regularization of not less than 25,000 contractuals. Malaking bagay ‘yun. But in proportion to our work force, maliit pa rin ‘yun. Kasi 25,000 is probably less than 10 percent of the entire workforce in our country today.”

[Dalawang linggo na ang nakaraan, aming nairehistro na ang pagka-regular ng hindi bababa sa 25,000 na contractuals. Ngunit maliit pa rin ang bilang nito pagkat nasa 10 na porsiyento lamang ito ng buong ‘workforce’ ng bansa sa ngayon.]

Ani Bello, tuloy-tuloy ang ginagawa nilang pagwawakas sa kontraktwalisasyon hanggang sa matupad ang kagustuhan ng Pangulo at ng mga manggagawa na lahat ng ating mga laborer ay magiging regular sa kanilang trabaho. Dagdag niya, ‘The target is zero ‘endo,’ zero illegal contractuals by year, the end of year 2017 and it is doable.”

Giit ni Bello, ang mga bagong naregular na mga manggagawa ay may karapatan na sa kanilang ‘security of tenure’ at ‘unionism’.

“We are doing it slowly, and in fairness to our management group – the employers – they are cooperating. And they said no more endo, it’s the end of endo,” ani Bello.

[“Ginagawa namin ito nang paunti-unti at ‘in fairness’ sa ating ‘management group’ – ang mga may-ari – sila ay nakikipagtulungan. At sinasabi nilang wala nang ‘endo’, ito na ang katapusan ng ‘endo’, turan ni Bello]

Ayon sa ulat, sinabi ni Bello na sa gitna ng ‘crackdown’ sa mga ilegal na kontraktwalisasyon ng mga pribadong kompanya, hindi nila maaaring talakayin kung paano gagawin ng pamahalaan ang nasabing usapin.

Ani Bello, sa kasalukuyan, ang resulta ng kanilang pagsisikap ay mainam. Dagdag niya, target nila na mawala na ang ilegal na kontraktwal bago pa man ang pagtatapos ng 2017, ayon sa ulat ng Sun Star.

Samantala, ang mga kontraktwal na manggagawa sa pamahalaan ay hahawakan ng Department of Budget and Management (DBM) and ng Civil Service Commission, salaysay ni Bello.

“Hindi po namin sakop ang mga government employees. Nasa DBM ‘yan at saka Civil Service Commission. Ang sakop namin ay ‘yung mga workers in the private sector,” paliwanag ni Bello.

Naiulat ng Rappler, na noong kandidato pa lamang si Pangulong Rodrigo Duterte, nangako ang Pangulo na wawakasan niya ang kontraktwalisasyon sa kanyang termino.

Nagbabala ng Pangulo na hindi niya mapapatawad ang mga kompanya na patuloy pa rin ang pagsasagawa ng kontraktuwalisasyon. Aniya, dapat silang sumunod, kung hindi ay ikakansela ng Pangulo ang kanilang ‘permit’, ayon sa ulat ng Balitang DF.