[Video] Duterte Youth Group sinuportahan ang Pangulo, SC sa pagpapalibing kay Marcos sa LNMB; anti-Marcos, nakadebatehan




Larawan mula sa Twitter account ni Jim Paredes via GMA at Twitter account ng ABS-CBN.

Isang malaking ‘banner’ ang bitbit ng mga taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Luneta na may pahayag na : “We support President Duterte and the Supreme Court.”

Tinatayang nasa 30 taga-suporta ni Pangulong Duterte ang pumunta sa Luneta nitong Biyernes upang magsagawa ng ‘counter-rally’ hinggil sa mga protesta sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), ayon sa ulat ng GMA.

Ang pangkat ay pinangungunahan ni Ronald Cordema, na nagpakilala bilang ‘chairman’ ng Duterte Youth Group, at bitbit naman ng anim na katao ang nasabing ‘banner’ na sumusuporta sa Pangulo at sa Korte Suprema.

Ayon kay Cordema, pumunta ang Duterte Youth Group upang ipahayag na karapat-dapat igalang at sundin ang pasya ni Pangulong Duterte, ang pinakamakapangyarihang tao sa bansa, at ng Korte Suprema.

Binanggit ni Cordema na mayroong 600 na miyembro ang pangkat, at karamihan sa kanila ay Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) mula sa iba’t-ibang paaralan. Si Cordema ay isang opisyal ng ROTC sa kolehiyo ng University of the Philippines Diliman (UP-Diliman).

Nanawagan si Cordema sa mga kapwa niyang mag-aaral sa UP na nagpoprotesta sa pagkalibing kay Marcos sa LNMB; aniya dapat i-boycott ng mga nagproprotesta ang mga pambihirang nagawa ni Marcos sa bansa.

Paliwanag ni Cordema: “Be strong in your anti-Marcos conviction. ‘Wag kayong dumaan sa NLEX, SLEX, ‘wag kayong magpagamot sa mga magagandang ospital na ginawa niya.”

Ibinahagi ni Jessica Bartolome, mamamahayag sa GMA, sa kanyang Twitter account ang larawan ng Duterte Youth Group na nagpunta sa Luneta.

Ipinahatid din ng Duterte Youth Group na dapat magbitiw sa puwesto ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte na sumasalungat sa desisyon ng Pangulo na hayaang mailibing si Marcos sa LNMB.

“Tinitignan nga namin, bakit may mga leftist Cabinet members na panay ang banat kay Pangulong Duterte tungkol sa desisyon na to? Kung babanatan n’yo ang Presidente, mag-resign na muna kayo,” turan ni Cordema.

Ayon kay Cordema, dapat ring magbitiw sa puwesto ang Pangalawang Pangulong Leni Robredo, Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo at Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano na hindi sumasang-ayon sa pagpapalibing kay Marcos.

“Kasama na rin si Vice President Robredo. Kung binabanatan mo ang President, mag-resign ka muna sa post mo,” dagdag ni Cordema.

Tuwirang nagpahayag ng galit si Cordema hinggil sa pagkadismaya ng dating Pangulong Fidel Ramos sa pagpapalibing kay Marcos sa LNMB. Aniya, sumama lamang si Ramos sa EDSA People Power Revolution noong 1986 nang palubog na ang administrasyong Marcos.

“Ang hindi ko maintindihan kay President Fidel Ramos…nag-betray ka lang dun sa Pangulo mo, tapos ngayon puro criticisms ka kay Pangulo Duterte…kung puwede manahimik na lang kayo,” turan ni Cardema.

Ayon sa ulat, nagkaroon ng debate sa pagitan ng anti-Marcos at mga taga-suporta ni Pangulong Duterte.

Sadyang pinaghiwalay ng mga pulis ang dalawang nagdedebate, habang ang ilang mga anti-Marcos ay napilitang tumawid sa kalye upang makisali sa diskusyon ng mga taga-suporta ni Marcos.

Nagdebate ang dalawang binata hinggil sa usapin kung nabigyan ng katarungan ang ‘Martial Law’.

Ayon kay Ochi Tarzo, mula sa anti-Marcos, hindi niya nilayong simulan ang isang debate. Aniya, nais lamang niyang magbigay ng mga salita sa taga-suporta ni Marcos na pag-isipan ang kanilang sinasabi.

Sinabi ng nagngangalang Mace, taga-suporta ni Marcos at ni Pangulong Duterte, hindi niya sinasabing bayani si Marcos. Aniya, iginagalang lamang niya ang batas.

Naging maayos ang diskusyon ng dalawang binata at kapwa nagkamay matapos ang debate.

Naiulat na nakipagdebate rin ang nagngangalang Kelby, isang estudyante ng abogasya at tutol sa pagkalibing ni Marcos sa LNMB, sa tatlong matandang lalaki.

Itinigil ni Kelby ang debate dahil pakiramdam niya umano ay hindi nabibigyan ng tuon ang nasabing isyu.

Isa sa mga matatandang lalaki ang nagsabi na wala siyang pakialam sa makasaysayang rebisyonismo, at dumating siya dahil sa resulta ng nasabing libing ni Marcos.

Ang Duterte Youth Group ay lumisan bandang 7:45 ng gabi.

Tinatayang nasa 20,000 katao ang nagprotesta sa Luneta pagsapit ng 9:00 ng gabi, ayon sa ulat ng Inquirer.

Kamakailan ay naiulat ang paninisi ni Pangulong Duterte sa mga nakaraang Pangulo, partikular ang mga Aquino, sa hindi pagpasa ng batas o direktiba na pipigil sa paglagak ng diktador na si Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

Iginiit ni Pangulong Duterte na sumunod lamang siya sa batas na pumapayag na ilibing si Marcos sa LNMB. Dagdag pa niya, na ang mga Aquino ay may 12 taon  para sana ipasa ang batas na magbabawal kay Marcos sa LNMB.

Panoorin ang panayam ng Duterte Youth Group sa Luneta

Panoorin ang protesta ng anti-Marcos sa Luneta