Bong Revilla sasailalim sa ‘biopsy; pinayagang manatili pa rin sa hospital




Image from Bong Revilla Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Pinayagan ng Sandiganbayan na manatili pa rin sa pagamutan ng ilang araw si dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla dahil kailangan umanong sumailalim ito sa ‘biopsy’.

Ayon kay Police Supt. Arnel Aplid, hepe ng the Philippine National Police Custodial Service, nagpadala na umano sila ng sulat para ipaalam na hindi pinayagan ng mga doctor na makalabas ng hospital si Revilla dahil hindi pa tapos ang pagsusuri sa kaniyang karamdaman.

Matatandaang isinugod si Revilla sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig matapos makaramdam ng pagsusuka at pagtaaas ng lagnat dahil sa hypertension noong nakaraang Sabado.

Sa sulat na ipinadala ni Apid kay  Clerk of Court Teresita Rosete, pinuntahan umano ng kaniyang team si Revilla sa St. Luke’s para sunduin ito at ibalik sa detention center noong Miyerkules, subalit hindi pumayag ang attending physician na si Dr. Rolando Ochoa.

Si Ochoa ay isang orthopedic surgeon na nagmungkahi umano na sumailalim sa ‘biopsy’ si Revilla.

“Nonetheless, the former (Dr. Ochoa) recommended PUC (person under custody) Revilla to undergo biopsy and extend his confinement for further examination and treatment,” ayon sa sulat ni Apid.

Pumayag naman umano ang Sandiganbayan First Division sa kahilingan ng dating mambabatas na nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame dahil sa pagkakasangkot nito sa kontrobersiyal na P10-B pork barrel scandal na pumutok mahigit tatlong taon na ang nakararaan.

Kamakailan lang nitong linggo ay kumalat ang balitang namatay na raw ang actor-politician habang nagpapagamot sa hospital; bagay na mahigpit namang pinabulaanan ng abogado nito.

Ayon sa naunang paglilinaw ni Atty. Reody Anthony Balisi, buhay na buhay umano ang kaniyang kliyente at kasalukuyan lang itong nagpapalakas habang hindi pa nakukumpleto ang mga test na inirekomenda ng doctor.