Bong Revilla nananatili pa rin sa St. Luke’s matapos isugod dahil sa hypertension




Image from Bong Revilla Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Nananatili pa ring naka-confine sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City (BGC) si dating Senador Ramon ‘Bong’ matapos itong isugod noong Sabado dahil sa ‘hypertension’.

Isinugod si Revilla sa pagamutan matapos umanong makaranas ng pagsusuka, matinding sakit ng ulo at pagtaas ng blood pressure nitong Sabado, mga bandang alas-9 ng umaga.

Sa pinakahuling update sa kalagayan ng dating mambabatas nitong Linggo, nakatakda umanong sumailalim ang aktor sa ilang pagsusuri kagaya ng blood chemistry, gastroscopy, treadmill test at pulmonary function test.

“Former senator Ramon Revilla Jr is still confined at Saint Luke’s Medical Center in Bonifacio Global Center, Taguig City. He is accompanied by his wife Mayor Lani Mercado-Revilla,” ayon sa update na ipinalabas ni Philippine National Police (PNP) public information chief Senior Supt. Dionardo Carlos.

Matatandaang isinugod muna si Revilla sa emergency room ng PNP GeneraL Hospital sa loob ng Camp Crame matapos makaranas ng pagsusuka bago inirekomenda ng doktor na dalhin na ito sa pagamutan sa Taguig City.

Sa isang panayam ng ABS-CBN News kay Mayor Lani Mercado-Revilla, nangangamba umano sila sa kalusugan ni Bong dahil mayroong history ng ‘aneurysm’ sa pamilya nito.

Si Revilla ay nakakulong sa PNP Detention Center matapos masangkot sa ‘P10-B pork barrel scamdal noong 2014. Kasama niyang nakapiit at nahaharap sa kaso sa Sandiganbayan ang kaniyang malapit na kaibigan at dati ring senador na si Jinggoy Estrada.