Babalatan ko nang buhay ang mga tiwaling empleyado at opisyal ng pamahalaan — Pangulong Duterte




Imahe mula sa isang video sa You Tube

“Babalatan ko kayo nang buhay.”

Ito ang walang takot na banta ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa mga tiwaling opisyal at empleyado ng pamahalaan. Sinabi ito ng pangulo sa siyudad ng Davao noong Biyernes, Setyembre 30.

Ayon kay Pangulong Duterte, dapat umano’y tumigil na ang mga tiwali sa pamahalaan sa kanilang mga kabuktutan na sumisira sa tiwala ng publiko.

Giit pa niya, handa umano siya na mawalan ng kaibigan para lamang masupil na ang mga tiwali sa pamahalaan. Hinggil pa sa kanya, nawalan na raw siya dati ng ilang kaibigan dahil dito, at hindi siya umano magingiming mawalan ulit kung hindi sila magpapakatino.

“I promised the people a clean government, don’t embarrass me. I do not want to go into a massive purge of government workers and officials,” saad ng pangulo, ayon sa Inquirer.net.

[Nangako ako sa mga tao ng isang malinis na pamahalaan, kaya huwag ninyo akong ipahiya… Ayaw kong magresulta sa malawakang pagtatanggal ng mga empleyado at opisyal ng pamahalaan.]

“I do not like graft and corruption, especially involving money that’s intended, you know, for the poor, for the farmers,” dagdag pa niya.

[Ayaw ko ng korapsyon, lalo na ang perang laan para sa, alam mo na, sa mga mahihirap, sa mga magsasaka]

Dapat makibahagi, ayon kay Duterte, ang lahat ng mga opisyal ng gobyerno sa kampanya niya laban sa ipinagbabawal na gamot.

Hihiyain din umano ng pangulo ang mga nasa pamahalaan na gagawa ng mga pagkakamali. Mapapahiya raw sila tulad ng panghihiyang ginawa niya sa mga drug lord dahil sila ay papangalanan niya.

“I’m warning those in government, many of them from regulatory (bodies), LTFRB…do not commit the mistake. I will read your name in public. I will ask you to resign,” matapang na banta ni Pangulong Duterte.

[Binabalaan ko kayong mga nasa pamahalaan, marami sa kanila ay mula sa mga “regulatory body”, LTFRB…huwag kayong magkakamali. Isasapubliko ko ang inyong mga pangalan. Hihingin ko rin ang inyong pagbibitiw.]