400 sako ng NFA na bigas, nasira sa Antique




Imahe mula sa Facebook ng PIA Mimaropa

SAN JOSE De BUENAVISTA, Antique — Apat-na-daang sako umano ng National Food Authority (NFA) na bigas  ang nabulok matapos iimbak sa mga palikuran ng Binirayan gymnasium sa loob ng mahigit isang taon. Ito ay inilahad ni NFA Regional Manager Rex Estoperez kamakailan lamang.

Hinggil kay Estoperez, ang mga bigas ng NFA ay iniimbak sa mga palikuran sa utos ng dating gobernador ng Antique na si Exequiel B. Javier  noong 2015 pa umano.

Ang 400 na sako ng NFA na bigas na mabulok ay maaaring ibaon at itapon na sa lupa o gagawin itong “compost” o pataba na lamang sa lupa, saad ni Estoperez.

Sa ngayon, hinihintay na lamang nila ang resulta ng isang eksaminasyon upang malaman kung maaaring gawing pataba ang 400 na sako ng nabulok na bigas o mas mabuti pang ibaon na lamang sa lupa.

“Once we have the results of the examination, it’s either we bury the rice or convert them into compost so at least they’re put to use,” ani Estoperez, ayon sa artikulo ng Philippines News Agency.

[Kapag lumabas na ang resulta ng eksaminasyon, malalaman kung dapat bang ibaon na lamang ang mga nabulok na bigas o gawin itong pataba sa lupa upang mapakinabangan naman]

Pumunta si Estoperez sa Antique noong Oktubre 10, at doon niya umano nalaman kay Gobernador Rhodora J. Cadiao ang sinapit ng 400 na sako ng bigas.

Saad ni Estoperez, humingi umano ng tulong sa kanya ang gobernadora upang tanggalin ang 400 sako ng nabubulok na bigas sa kanilang lugar. Marami na umanong mga tao ang nagrereklamo sa masangsang na amoy na dulot ng mga nabubulok na bigas na nakaimbak sa Binirayan gymnasium.

Noon umanong binuksan niya at ng kanyang mga tauhan ang mga palikuran, napakasangsang umano ng amoy na bumati sa kanila.

Ayon naman kay Cadiao, marami na umano siyang natatanggap na reklamo mula sa mga taong nagtutungo sa naturang gymnasium na pinag-imbakan ng mga bigas na nabulok.