Maliban sa burqa, sumbrero, sunglasses, mouth mask bawal na rin isuot sa Davao City




Image by City Government of Davao via Facebook

Naglabas ang lokal na pamahalaan ng siyudad ng Davao at ang City Information Office ng listahan ng mga bawal gamitin na pantakip sa mukha para pangalagaan ang seguridad ng mamamayan matapos ang naganap na pagsabog sa siyudad noong Setyembre 2.

Kabilang sa mga ipinakikiusap na iwasang suotin ay ang sunglasses, sombrero, face masks, balaclava, mouth mask at face paint. Nauna nang ipinakiusap na huwag magsuot ng niqab at burqa ang mga kapatid na Muslim sa mga pampublikong lugar at iminungkahi na hijab na lamang ang gamitin.

Ayon sa ulat ng Mindanao Examiner, sinabi ni Mayor Sarah Duterte-Carpio na inirekomenda ng mga awtoridad ang mahigpit na security measure matapos na pasabugin ng isang lalakeng nakasuot ng bonnet at mouth mask ang night market sa Roxas Avenue noong Setyembre 2.

“I understand the sentiments of our Muslim sisters with regard to the burqa, may I suggest that you wear the hijab which shows your face or cooperate with security personnel and show your face if you are wearing the burqa. While it is true that these garments are not disallowed by law, we discourage their use in public places. [Nauunawaan ko ang sentimyento ng mga kapatid nating Muslim sa pagsusuot ng burqa, ngunit hinihikayat na magsuot na lang ng hijab na nakikita ang mukha o kaya ay makipagtulungan sa mga kinauukulan na ipakita ang mukha kung gamit ang burqa. Habang hindi ito ipinagbabawal ng batas, hindi iminumungkahi ang paggamit nito sa pampublikong lugar],” saad ng Mayor.

Hindi pa rin natutukoy kung sino ang nasa likod ng pambobomba na ikinamatay ng 15 katao at higit 70 naman ang naitalang sugatan.