PNP Chief, humingi ng paumanhin sa ‘di-magandang nasabi dala ng silakbo ng damdamin




Image captrure of video by GMA News via YouTube channel

Buong pagpapakumbabang humingi ng paumanhin si Philippine National Police Director General Ronald De la Rosa sa kanyang hindi magandang nasabi sa mga sumukong drug users at pushers.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, inamin umano ni De la Rosa na naging emosyonal siya nang manawagan siya sa mga drug surrenderees na sunugin ang bahay ng mga drug lords na kilala nila.

“Kilala n’yo naman ang mga drug lord dito. Puntahan n’yo ang bahay, buhusan n’yo ng gasolina, sigaan ninyo. Ipakita n’yong galit kayo sa kanila. Nag-eenjoy sila sa pera na galing sa inyo, pera na nakakasira sa inyong utak habang sumasaya sila,” buong panggigigil na “utos” ni De la Rosa sa mga sumuko sa Camp Montelibano sa Bacolod City nitong Huwebes, ika-25 ng Agosto.

Paliwanag ng PNP Chief, hindi niya naiwasang magalit sa mga drug lords na sumira sa buhay ng mga tao nang makita niya ang hitsura ng mga sumuko na mala-zombie dahil sa pagkagumon sa ilegal na droga. Nagpapayaman umano ang mga drug lords sa pamemerwisyo ng kapwa.

Sinabi ni De la Rosa na tao lamang siya na nakararamdam ng awa at panghihinayang sa libu-libong buhay na sinira ng droga.