Pangulong Duterte, hinimok na magpatupad ng nationwide smoking ban




Public Domain Image

Isang grupo ang humihimok kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng smoking ban sa buong bansa.

Ayon sa ulat ni  Charina Clarisse L. Echaluce ng Manila Bulletin noong ika-28 ng Agosto, ang New Vois Association of the Philippines (NVAP) ay nagsabi noong Sabado, ika-27 ng Agosto, na umaasa sila na magpapatupad ang pamahalaan ng isang nationwide smoking ban. Sinabi ng grupo na itinatayang 10 tao ang namamatay bawat oras dahil sa mga karamdamang dala ng paninigarilyo.

“Umaasa kami na agarang ipagtibay ang komprehensibong smoke-free policy sa buong bansa nang sa gayon ay agad na mabigyang-proteksiyon ang kalusugan ng mga tao laban sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo,” sabi ni NVAP president Emer Rojas.

Dagdag pa ni Rojas, hindi na kailangang tumingin pa sa malayo si Pangulong Duterte para sa isang modelo ng smoke-free policy dahil ang ginawa niya sa Davao City, noong siya pa ang alkalde doon, na ipagbawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar ay kinilala ng World Health Organization na isang epektibong smoke-free policy.