Pagganap ni Barbie sa “Tuos”, pinuri ni Superstar Nora




Mga imahe mula sa YouTube

Pinahanga ng batang aktres na si Barbie Forteza ang tinaguriang “Superstar” na si Nora Aunor sa kanilang unang pagsasama sa isang pelikula.

Ayon sa GMA News, nagkatrabaho ang dalawa sa “Tuos”, isang pelikula sa Cinemalaya na mula umano sa dokumentaryo ni Kara David na Ang Huling Prinsesa.

Ikinuwento ni Aunor ang kanyang paghanga sa batang aktres sa kauna-unahan nilang pagsasama para sa proyekto.

“Naku, napakagaling ni Barbie dito. ‘Yong anak kong ‘yan, at wala kaming ginawa kung hindi maghalakhakan sa shooting. Napakagaling na bata,” saad niya.

Sobrang saya naman ni Barbie sa kanilang proyekto lalo na at dito ay nakatrabaho pa niya ang kanyang idolo.

“Isa ito sa masasabi ko na one for the books na pelikula kasi I got to work with my idol. And it was an edgy project,” ani Barbie.

Tuos

Sa pelikulang ito, ipinakita ang buhay ng isang Binukot, ang kayamanan ng kanilang mga tradisyon, at kung paano ang paraan ng kanilang pamumuhay ay hindi para sa lahat ng babae.

Ang pagkalito at kaguluhan, hirap, sakit at sakripisyo para sa tradisyon ay tunay na ipinamalas at ipinaramdam sa mga manonood ni Aunor sa pagganap bilang matandang Binukot na si Pina-ilog

Ang pagrerebelde naman, ang hindi bukal na pagtanggap sa kinaugalian at kinalakihan, ang paghahangad na maiba ang buhay at kinabukasan, ang tamis ng unang pag-ibig at halik bilang pagsuway sa naitakda na at paghingi ng tawad sa isang desisyon ay ipinamalas lahat ng karakter ni Forteza bilang Dowakan.

Panoorin ang trailer ng pelikulang Tuos, na pinagbidahan nina Aunor at Forteza: