Mga OFW apektado ng “Muslim-maid only rule” sa Malaysia




Image from Free Malaysia Today Facebook page

Ang mga Pinay domestic helpers na nagnanais magtrabaho sa Malaysia ay apektado ng isang “bagong” patakaran na nagsasabing tanging mga kasambahay na Muslim lamang ang dapat magsilbi sa mga pamilyang Muslim sa Malaysia.

Binatikos ng isang grupo na kumakatawan sa mga amo ng mga kasambahay ang Malaysian Maid Employers Association o Mama, ang nasabing patakaraan dahil umano magkakaroon ng kakulangan sa supply ng mga household helpers.

Ayon sa ulat ng Free Malaysia Today, sinabi umano ni Mama president Engku Ahmad Fauzi na hindi dapat maging sagabal ang relihiyon sa pagkuha ng empleyado. Aniya sa mga trabaho sa opisina, hindi naman batayan ang relihiyon, at ganun din dapat sa kaso ng mga kasambahay.

Kinuwestiyon ni Fauzi ang patakaran ng Immigration Department, at sinabing baka mahirapang makahanap o tuluyang hindi na makahanap ng kasambahay ang maraming pamilya sa Malaysia.

Ipinaliwanag naman ng Immigration Department na hindi naman bago ang patakaran. Matagal na umano itong umiiral subalit hindi lang mahigpit na naipatutupad.

Ang tanong naman ng mga may-ari ng mga maid agency ay kung dati na itong patakaran, bakit pinayagan sila noon na kumuha ng mga kasambahay na hindi Muslim?

Kung ang ibang bansang Muslim kagaya ng Saudi Arabia at Qatar ay bukas sa mga non-Muslim maids, bakit naman hindi ang Malaysia, dagdag pa ng mga maid agency owners.

Isang negosyanteng Malaysian ang nababahala sa patakarang ipinatutupad dahil aniya ay mas gusto niya ang Pilipina niyang mga kasambahay na kahit hindi naman mga Muslim ay lubos na maaasahan sa gawaing-bahay.