Julia, nagkuwento tungkol sa pagkakaibigan nila nina Angel at Dimples




Imahe mula sa Instagram ni Angel Locsin

Nagkuwento ang aktres na si Julia Montes tungkol sa pagkakaibigan nila ng dalawang itinuturing niyang “ate” sa show business na sina Angel Locsin at Dimples Romana.

Ayon sa Push, ikinuwento si Montes kung paano nagsimula ang pagkakaibigan nila nina Locsin at Romana.

“Si Ate Angel, naging close ko siya kay Ate Dimples so before, ‘nung nakaraan, lumabas kami, nag-relax relax kami. Ang sarap kasi ‘pag magkakasama kami po, parang mga non-showbiz sila. Sila ‘yung masasabi kong nasa showbiz pero mga non-showbiz na tao,” kuwento ng dalaga.

Ayon pa sa kanya, mas nakaka-relate daw siya sa mga mas may edad kaysa sa kanya.

“Siguro kaya sinasabi nilang old soul ako kasi mas nakakarelate ako sa gano’n. ‘Yung may natututunan akong kasama kaysa ‘yung mga ka-edaran ko,” aniya.

Samantala, bukod sa mga natagpuan niyang kaibigan, masaya rin ang Kapamilya actress dahil sa mga positibong puna na natatanggap ng kanyang afternoon drama na Doble Kara.

“Sobrang masayang-masaya po kami sa lahat ng suporta ng mga taong nanunood. Lahat po worth it. Lahat ng pagod ng mga staff, ng crew, lahat ng nag-eedit sa’min. Ang sarap lang sa pakiramdam na hindi namin inaakalang aabot sa ganito,” salaysay ni Montes.

Dahil dito, may posibilidad daw na magpatuloy pa sa pag-ere ang nasabing programa hanggang 2017.

“Kasi talagang marami kaming nakaready-nang kuwento and maraming characters na puwedeng ikutan. May mga konting alam lang kami pero konti pa lang ‘yun ‘dun sa mga puwede pang ilabas,” aniya.

Samantala, nang tanungin kung anong pakiramdam na gampanan ang papel ng magkakambal, sinabi niya na nasanay na lang siya sa pagkakaroon ng dalawang karakter sa isang palabas.

“Actually, parang naging ano na nga po, normal. Noong nandoon po ako ng isang linggo sa States, parang feeling ko naninibago ako na isa lang. Ang awkward, awkward ‘dun na as Julia na lang ‘yung gagawin ko sa work. Tapos ‘pag balik ko dito, parang ito ‘yung normal sa akin ngayon. Parang siguro hangga’t hindi po natatapos ang Doble Kara, hindi ko mafi-feel na normal ako hangga’t hindi tapos ang kambal,” kuwento ng aktres.