Daan-daang asong kalye, nilason sa Pakistan; Netizens at animal rights activists umalma




Image capture mula sa YouTube

Viral ngayon sa social media ang litrato ng humigit kumulang pitong daang aso na wala nang buhay na nakahandusay sa isang kalsada sa Karachi, Pakistan.

Agad na ipinakalat ng mga netizen ang mga litrato, kasabay ng mga mensaheng nagpapahayag ng magkahalong galit at disgusto sa ginawang sabay-sabay na paglason sa mga aso.

Ayon sa report mula sa Reuters, mismong ang munisipalidad ng Karachi umano ang nagdesisyon na sabay-sabay nang patayin ang mga ito sa pamamagitan ng paglason upang mabawasan ang mga asong kalye sa kanilang mga lugar.

Ang ginagawa umano ng mga opisyal ay inilalagay nila ang mga poison tablet sa karne ng manok, saka nila ito ipakakain sa mga asong kalye.

Nasa pitong daang aso na ang namatay, at inaasahang tataas pa ang bilang nito ngayong buwan dahil patuloy itong gagawin ng mga opisyal sa Karachi.

Inalmahan ito ng mga animal rights activists, ngunit idiniin ng munisipalidad na wala na silang naiiisip na iba pang paraan para bawasan ang lumalaking populasyon ng mga asong kalye sa lugar. Napeperwisyo umano ang kanilang mga mamamayanan dahil maraming tao na ang naospital dahil sa kagat ng aso.

Tinatayang mahigit anim na libong katao ang naitalang isinugod sa Jinnah Hospital nitong nakaraang taon dahil sa kagat ng aso. Halos apat na libong katao naman umano ang naitalang isinugod sa ospital ngayon taon sa parehong kaso, ayon kay Dr. Seemin Jamali na head of emergency room ng nasabing ospital.

Maraming animal shelters sa Karachi tulad ng Animal Protection & Education Club (APEC), Ayesha Chundrigar Foundation, Karachi (ACF) at Adopt A Pet, ngunit sa dami ng asong kalye sa lugar ay hindi ito sapat upangĀ kupkupin ang lahat.