Video: Rider na sangkot sa banggaan sa EDSA, ***** sa HPG dahil nanlaban daw?




Image capture of Blitanghali video via GMA News and Public Affairs YouTube channel

Isang motorcycle rider na nasangkot sa isang banggaan sa EDSA ang napatay ng dalawang pulis mula sa Philippine National Police Highway Patrol Group (HPG) dahil nanlaban umano ito.

Sa ulat ni Bam Alegre sa “Balitanghali” ng GMA News TV, ayon daw sa spot report ng HPG ay may nabanggang kotse ang rider na kinilalang si John Dela Riarte, 27 anyos, sa southbound lane ng EDSA-Estrella sa Makati dakong alas-nuwebe ng umaga.

Nakita umano ng mga rumespondeng kawani ng Metropolitan Manila Development Authority at HPG na nagwawala si Dela Riarte at hinahampas pa ng kanyang helmet ang kotse na nayupi ang bandang likuran ng motorsiklo.

Nagbanta raw si Dela Riarte na mamamaril nang awatin siya ng mga MMDA traffic enforcers at HPG police kung kaya’t pinosasan nila ito at isinakay sa police car.

Ayon sa isa pang rider na nakasaksi sa pangyayari, sinikmuraan umano ng isang tauhan ng HPG si Dela Riarte. Ang saksi na itinago sa pangalang “Mark” ay huminto pa sa harap ng kaguluhan dahil tila namumukhaan niya ang biktima, ngunit pinaalis raw siya ng mga pulis-HPG.

Batay pa sa spot report ng HPG, nanlaban raw muli ang biktima nang ipasok ito sa loob ng mobile car at tinangkang agawin ang baril ni Police Officer 2 Jonjie Manon-og. Dito na umano siya binaril ni Police Officer 3 Jeremiah de Villa.

Naisugod pa sa ospital si Dela Riarte ngunit binawian rin ng buhay dahil sa apat na tama ng bala ng baril sa leeg at katawan.

Lubos naman ang hinagpis ng mga kaanak ng biktima dahil sa sinapit nito. Walang masamang record at hindi raw ito isang drug addict upang patayin ng pulis. Katunayan ay first day pa lang sana nito sa papasukang trabaho.

Ayon sa GMA News ay tinutunton nila ang may-ari ng kotseng nabangga ni Dela Riarte upang mahingan ng pahayag tungkol sa banggaang naganap na naging dahilan ng pagkakaaresto at pagkamatay ng biktima.

Narito ang video report ni Bam Alegre:

 

Source :

GMA Network