Video: P10 milyong shabu na naiwan sa kanyang jeepney isinuko ng driver sa NBI




Image capture of video by ABS-CBN News

Isang jeepney driver ang nagsuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ng mahigit dalawang kilo ng shabu na itinatayang aabot sa sampung milyong piso ang halaga na nadampot nito sa ipinapasadang sasakyan.

Kuwento ng jeepney driver, na itinago sa alyas na “Joel”, ang shabu na nakalagay sa dalawang kahon ng Zest-O juice ay naiwan ng isa niyang pasahero.

“Nakatulog ‘yong la­laking pasahero, tapos nang makarating kami sa terminal sinabihan ko siya na nasa terminal na kami. Bigla siyang nagpanik… tapos nagtatakbo. Inihabol ko ‘yung kahon ng Zest-O pero hindi niya pinansin, kaya iniuwi ko na lang sa bahay namin kasi akala ko juice lang  pero kinaba­han ako nang buksan ko at nakitang shabu,” ayon kay Joel.

Ayon sa ulat ng Abante Tonite, sa takot ng driver na baka tuntunin siya ng sindikato ng droga, nagpasiya siyang ireport sa NBI ang kanyang nakuhang shabu.

Agad naman nagtungo ang ilang ahente ng anti-illegal drugs division (AIDD) ng NBI sa bahay ng driver sa Cavite upang kunin ang shabu.

Sinabi ni Atty. Joel Tovera, hepe ng NBI-AIDD, na maaaring konektado ang suspek na nakaiwan ng shabu sa isang kaso na naimbestigahan nila sa Pasay noong nakaraang taon. Aniya, sa kahon din ng Zest-O juice nakatago ang ilegal na droga na narekober nilang droga noon.

“Ganun din po. Same color, same packaging… almost the same. We conclude na iisa ang sindikatong pinanggalingan nito,” sabi ni Tovera.

Panoorin ang video: