Siyam na Pinoy hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa Malaysia




Image from Yes FM 911

Siyam na Pilipino ang hinatulan ng isang korte sa Malaysia ng habambuhay na pagkabilanggo kaugnay ng madugong paglusob sa Sabah noong 2013. Walong iba pa, kabilang na ang tatlong Malaysian, ang nahutalan naman ng mula 10 hanggang 18 taong pagkakakulong.

Ayon sa ulat ng Hataw Tabloid, sinabi ng abogado sa panig ng depensa na kinilalang si N. Sivananthan na kamatayan sana ang hatol na ibibigay ngunit ibinaba ng hukom sa habambuhay ang sentensiya dahil hindi napatunayan na sila ay pumatay.

“They could have been sentenced to ***** but the judge decided on the lower penalty because there was no evidence they pulled the triggers or committed any murders,” ani N. Sivananthan.

Si Amir Bahar Hushim Kiram, anak ng dating Sultanate of Sulu Sultan Esmail Kiram, ay kabilang sa mga nahatulan ng habambuhay na pagkakapiit.

Noong Pebrero 2013, pinangunahan ni Kiram ang 200 armadong Pilipino na lumusob sa Lahad Datu sa Sabah na layong bawiin ang lupain na bahagi umano ng Sultanate of Sulu. Nagtagal ng pitong linggo ang bakbakan sa pagitan ng grupo ni Kiram at ng pwersa ng Malaysia, kung saan 70 katao ang namatay.