Pinaghihinalaang drug lord na si Peter Lim tumangging magpa-drug test




Image by DWIZ

Tumangging magpasailalim sa isang drug test ang negosyante at pinaghihinalaang bigtime drug lord sa Visayas na si Peter Lim.

Si Lim ay hinimok na magpa-drug test nang ito ay personal na magtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) noong isang linggo upang magpa-imbestiga tungkol sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa kalakan ng ilegal na droga.

Ayon sa NBI spokesperson na si Ferdinand Lavin, sinabi umano ni Atty. Ramon Esguerra, abogado ni Lim, na hindi muna magpapa-drug test ang kanyang kliyente. Hindi naman idinitalye ni Lavin kung bakit tumanggi si Lim.

Sa ulat ng PTV News, patuloy na iniimbestigahan ng NBI ang negosyante na isa sa mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y miyembro ng drug syndicate sa bansa.

Isa sa tinitingnan ng NBI ay ang pagkakapatay sa dalawang tao na tumestigo noong taong 2006 laban kay Lim.

Sinisilip din ng ahensya kung lehitimo ang kanyang mga negosyo. Kinikilala na rin ang ilang mga personalidad na maaaring may kaugnayan sa negosyante.