Mundo ng suspek sa pamamaslang sa Quiapo lumiit na, ‘shoot-to-kill’ order inilabas




Images from Joe Bulaw Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Unti-unti nang lumiliit ang mundo ni Vhon Tanto, ang 39-year-old na  Army reservist na pangunahing suspek sa pamamaslang sa isang cyclist matapos magtalo ang dalawa dahil sa gitgitan sa daan sa Quiapo nitong Lunes ng gabi.

Matatandaang binigyan ng Manila police hanggang alas-5 ng hapon noong Miyerkules si Tanto upang sumuko at managot sa pagpatay kay Mark Vincent Geralde.

Ngunit dahil bigong sumuko si Tanto, napilitang maglunsad ng operasyon at maglabas ng ‘shoot to kill’ order ang pulis Maynila upang hanapin at hulihin ang suspek ‘***** man o buhay’.

Ayon kay MPD Director Senior Supt. Joel Napoleon Coronel, itinuturing na mapanganib ang suspek dahil napag-alamang meron itong tatlong uri ng de-kalibreng armas na kaniyang pag-aari kabilang na ang isang kalibre .45 at isang  kalibre .40 Glock pistol.

“The whole force of Manila Police District will go after him, no extension of deadline. He is armed and dangerous as you saw how he shot the unarmed victim, with no remorse,” paliwanag ni Coronel.

Subalit nilinaw ni Coronel na maaaring barilin lamang si Tanto kung ito ay papalag habang inaaresto ng mga awtoridad.

Matatandaang kinumpirma ng pamunuan ng Philippine Army na isang ngang reservist si Tanto na may ranggong ‘private’.

“He is assigned with the 1301st Community Defense Center National Capital Region Regional Community Defense Group of the Army Reserve Command based in Caloocan,” ayon kay Army chief Lt. Gen. Eduardo Año.

Ibinunyag pa ng opisyal ng Army na inutusan na rin niya ang Army Reserve Command para sumali sa paghahanap kay Tanto.

Si Vhon Tanto ang itinuturong may-ari ng pulang Hyundai Eon na nakunan sa CCTV ng barangay na nakaalitan ni Geralde at nauwi sa suntukan at pamamaril ng suspek sa biktima.

Nagtamo ng ilang tama ng baril sa ulo at katawan si Geralde, isang cycling enthusiast at gaming assistant, na agad nitong ikinamatay.