Monsignor Bobby Olaguer nagbitiw bilang spokesman ng BuCor dahil sa kontrobersiyal niyang pahayag




Image capture of video by Philippine Expose via YouTube channel

Nagbitiw sa kanyang pwesto bilang tagapagsalita ng Bureau of Corrections (BuCor) si Monsignor Roberto “Bobby” Olaguer.

Ayon sa ulat ng GMA News, sinabi ni Msgr. Olaguer, ang chaplain sa New Bilibid Prison (NBP), na noong Lunes, ika-25 ng Hulyo pa siya nagsumite ng resignation letter at tinanggap naman umano ito ng BuCor.

Aminado ang pari na ang kanyang pagbibitiw ay may kaugnayan sa kontrobersyal niyang pahayag tungkol sa umano’y “banggaan” ng Philippine National Police Special Action Force (SAF) at kawani ng NBP. Ayon kay Olaguer ay bumaba raw ang morale ng mga kawani nang pagbintangan sila na scalawags.

Ipinahayag pa ni Olaguer na ilang mga preso ang nagrereklamo dahil sa hindi mabuting trato sa kanila ng SAF. Ang SAF ang pansamantalang pumalit sa mga jail guards ng NBP habang isinasailalim ang mga ito sa re-training at orientation.

“Nag-resign na ako as spokesperson ng Bureau of Corrections since Monday, may nabitawan akong salita noong last week na totoo naman na nakakasira raw sa image ng bureau o ng staff, ‘di ko naman pwede bawiin ‘yun, tinanggap naman at mag-a-assign na lang daw ng iba,” ani Olaguer sa isang panayam sa radyo.