Lani sa umano’y balikang Jolo at Jodi: Love will find a way




Larawan mula sa Facebook ni Lani Mercado Revilla

Kung ang dalawa talaga ay para sa isa’t-isa, babalik at babalik sila sa isa’t isa; ito ang paliwanag ni Bacoor Mayor Lani Mercado sa napababalitang muling pagkakabalikan ng anak niyang si Cavite Vice Governor Jolo Revilla at ng aktres na si Jodi Santa Maria.

Ayon sa Bombo Radyo, naniniwala si Bacoor Mayor Lani Mercado na “love will find a way”, bagama’t hindi niya rin daw alam kung ano ang kalagayan sa kasalukuyan ng pag-ibig ng kanyang anak.

Love will find a way. ‘Yon lang ang masasabi ko,” ani Lani.

Nitong nakaraan, umugong ang ispekulasyon na ‘di umano ay nagkabalikan na ang dating magkasintahan pagkatapos ng magkakasunod na pagbabahagi ng mga larawan ni Revilla kasama si Sta. Maria.

Gayunman, nauna nang nilinaw ni Revilla na nananatili pa rin sila sa pagiging magkaibigan pagkatapos ng kanilang hiwalayan.

Sa kasalukuyan, minabuti muna ng dalawa na tumahimik na lang at itago pansamantala kung ano ang tunay nilang relasyon.

Pagkatapos ng hiwalayan

Samantala, matatandaang minsan nang inintriga si Revilla tungkol sa naramdaman nito nang mawala si Santa Maria sa buhay niya.

Noong nanumpa si Revilla sa muling pagkakahalal niya bilang Vice Governor ng Cavite, kinakitaan ito ng lungkot. Sabi ng ilang tagahanga, marahil ay dahil ito sa katotohanang ang kanyang ina at mga kapatid ang tanging kasama niya at wala na ang dating kasintahan niyang si Sta. Maria.

Nilinaw naman ni Revilla na ang kawalan ng presensya ng kanyang ama sa oathtaking niya ang dahilan kung bakit mukhang hindi siya masaya.

“Sabi ko nga kanina no’ng katabi namin si Gov. Jonvic Remulla, sabi ko nga, ‘Gov, sa totoo lang sobrang lungkot ko kahit nakangiti ako, dahil parang hindi kumpleto dahil wala ‘yung tatay ko,’” saad pa niya.