Ilang kapitbahay, hati sa opinyon tungkol sa road rage suspect na si Vhon Tanto




Image by Katherine Imson/Aksyon 5 via Twitter

MAYNILA, Pilipinas – Hati ang ilang kapitbahay ng pangunahing suspek sa pamamaril sa Quiapo na si Vhon Tanto sa kanilang pagkakakilala sa pagkatao ng 39 anyos na Army reservist na nahuli sa Masbate nito lang Biyernes ng umaga.

Ayon sa isang panayam ng Inquirer kay Armand Aquino, Chairman ng Barangay 385 Zone 39 na sumasakop sa lugar kung saan nakatira ang pamilya ni Tanto, kilala niya diumano ang suspek bilang isang tahimik na tao at ilag sa mga kapitbahay nito.

Nakatira ang pamilya ni Tanto sa may bahagi ng Fraternal Street sa Quiapo, Maynila kasama ang kaniyang asawa at tatlong anak na babae.

Ayon kay Aquino, hindi niya alam kung saan galing ang opinyon ng media at publiko kay Tanto, subalit iginiit ng chairman na kailanman ay hindi pa nasangkot sa gulo sa kanilang lugar o kaya ay napatawag man lang sa barangay hall ang lalaki.

Isa pang kapitbahay ni Tanto na nakilalang si Pipay Regemio ang nagtanggol din kay Tanto at sinabing wala siyang natatandaang insidente kung saan naglabas ng baril at nanindak ng ibang tao ang suspek.

Subalit ayon naman sa ilang kalugar ni Tanto na ayaw magpakilala, kilala diumano ang huli bilang “siga” at maraming residente ang ilag at natatakot dito.

Ayon naman kay Senior Insp. Rommel Anicete, hepe ng MPD Homicide Division, may nakapagsumbong diumano sa kaniyang tanggapan na hindi sumusunod si Tanto sa mga patakaran ng barangay.

“Minsan kapag nililinis nila iyung kalye nila or siguro kapag barangay activities, hindi siya nag-aalis ng sasakyan. Pinapabayaan niya na nandoon lang,” pagbubunyag ni Anicete.

Matinding batikos at pangungutya ang inabot ni Tanto sa social media matapos positibo siyang matukoy ng ilang testigo na siyang bumaril at pumatay sa 35 anyos na si Mark Vincent Garalde.

Nagtalo ang dalawang lalaki dahil sa away sa trapiko noong Lunes ng gabi na nauwi sa suntukan at pamamaril ni Tanto kay Garalde na isang gaming assistant.

Matapos ang halos dalawang araw na malawakang pagtugis at paghahanap sa suspek, nahuli rin si Tanto ng mga elemento ng Philippine Army (PA) sa isang liblib na barangay sa bayan ng Milagros, Masbate nitong Biyernes, bandang 11:40 ng umaga.

Ayon kay Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Joel Coronel, dadalhin si Tanto mula sa Masbate patungong Maynila sa Sabado upang kaharapin nito ang kaso at pagbayaran ang krimeng ginawa.