Gen. Bato, planong ‘turuan’ ng boksing ang road rage suspect na si Vhon Tanto




Image from ABS-CBN News

MAYNILA, Pilipinas – Nangako si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na tuturuan niya ng boksing ang naarestong si Vhon Tanto, ang pangunahing suspek sa pagpatay sa 35 anyos na siklestang si Mark Vincent Garalde sa Quiapo noong Lunes ng gabi.

Si Tanto ang itinuturong bumaril nang malapitan kay Garalde matapos magkaroong alitan ang dalawa na nauwi sa suntukan.

Sa isang CCTV na inilabas ng pulisya, mistulang hindi umubra sa suntukan si Tanto kay Garalde nang ma-headlock ito ng huli.

Ngunit nauwi rin ang away ng dalawa sa pagkamatay ni Garalde matapos muling magkaasaran habang papaalis na sana pareho ang suspek at ang biktima.

Samantala, sa isang press conference, sinabi ni Dela Rosa na bibigyan niya ng “villain’s welcome” si Tanto, salungat sa “hero’s welcome” na karaniwang inilalaan para sa mga taong may magandang naiambag sa bansa.

“Pagdating niya du’n bukas ay puntahan natin. We will give him a villain’s welcome. Not a hero’s welcome, but a villain’s welcome,” pahayag ng PNP chief.

Sa halip na palakpakan daw ang isasalubong kay Tanto, isang ‘nakamamatay na mura at tingin’ ang  kanilang ibubungad sa suspek, na maaaring ikatunaw ng huli kahit sa upuan.

Ngunit agad namang nilinaw ng opisyal na hindi literal na kamatayan ang mararanasan ni Tanto kundi isang ‘non-contact’.

Idinagdag pa ni Dela Rosa na tuturuan din niyang magboksing si Tanto dahil tila naagrabyado ito sa namatay na biktima sa kabila ng pagiging Army reservist.

“Itong si Tanto, tuturuan ko ng boxing kasi mahina siya sa suntukan. Kaya bumunot siya ng baril… Sisiga-siga, mahina naman pala sa suntukan. Tuturuan ko siya ng suntok,” pagbibiro pa ng PNP chief.

Nakatakdang dumating si Tanto sa Maynila sa Sabado mula sa Masbate matapos itong maaresto ng mga elemento ng Philippine Army pagkatapos magtago sa batas ng halos dalawang araw.

Kakaharapin ni Vhon Tanto ang mga kasong murder sa pagpatay kay Garalde at frustrated homicide sa pagkakadamay ng isang 18 anyos na babaeng estudyante na tinamaan ng ligaw na bala.