Dick Israel muling nakasama sina Bong at Jinggoy




Image from Vivian Velez Instagram post

Muling nagsama-sama ang beteranong character actor na si Dick Israel at mga action star na sina Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. at Jinggoy Estrada nitong Linggo, ika-10 ng Hulyo.

Si Israel o si Ricardo Vizcarra Michaca sa tunay na buhay, ay naging paksa ng usap-usapan sa showbiz at sa social media matapos mag-viral ang kaniyang larawan na humihingi ng tulong matapos masunugan noong Hulyo 2 sa siyudad ng Kalookan.

Ayon kay Vivian Velez, isa sa mga naunang naglunsad ng fundraising campaign para sa may sakit na aktor, nabigyang-daan ang pagsasama-samang muli ng tatlong acktor sa pamamagitan ng Damay Kamay Foundation; ang grupong tumutulong sa mga artistang nagkakasakit o kaya ay dinapuan ng masamang kapalaran.

“Actually, yung Damay Kamay Foundation, we started it with Julio Diaz… with Richard Merck, kay Direk Ricky Rivero, and now yung kay Dick Israel na,” saad ni Velez sa isang panayam ng PEP.ph.

Nakatataba diumano ng puso na maraming artista at pribadong indibidwal ang kaagad na nagpaaobt ng tulong, gamit man o pinansiyal, kay Israel sa pamamagitan ng Damay Kamay.

“Nakakatuwa, ang daming tumatawag, ang daming nagti-text, ang daming nagbibigay ng mga messages,” patuloy ni Velez. “Sinasabi nga, ‘Alam ninyo, fans kami ni Dick Israel. My father has a wheelchair,’ mga ganun.”

Sina Bong Revilla at Jinggoy Estrada umano ang pinakahuling nagpaabot ng pagdamay kay Israel at sa pamilya nito.

Nakatrabaho ni Israel si Jinggoy sa ilang proyekto ng huli, habang marami namang pinagsamahang pelikula sila ni Bong simula pa  noong dekada 80 at 90, sa kasagsagan ng pelikulang aksiyon sa industriya.

Ibinahagi pa ni Velez sa Facebook at Instagram ang ilang larawan na magkakasama ang tatlong magkakaibigan at ang asawa ni Bong na si Lani Mercado-Revilla.

“Sunday visit… so happy to see them together! Jinggoy, Bong and Dick Israel,” paglalarawan ni Velez.

Subalit ipinaliwanag niya na sina Bong at Jinggoy ang humiling na dalawin sila ni Israel sa PNP Custodial Center sa Camp Crame kung saan nakakulong ang dalawa.

Sinabi pa rin Velez na patuloy silang gumagawa ng paraan upang matulungan ang pamilya ni Israel at tuluyan na rin itong makabangon mula sa trahedya. Kabilang diumano sa mga hakbang na kanilang isinasaalang-alang ay ang paglapit ng kaso ni Dick sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).