Buhok at damit ni Marilyn Monroe isusubasta




Imahe mula sa Facebook

Nakatakdang ibenta sa isang auction sa Los Angeles ang ilan sa mga memorabilia ng namayapang sikat na Hollywood actress na si Marilyn Monroe.

Ayon sa Bombo Radyo, sa darating na Nobyembre 19 to 20, nakatakdang ibenta sa isang auction ang damit at buhok ng kilalang aktres. Isusubasta ang mga memorabiliang ito sa Julien’s Auctions sa Los Angeles.

Ang mga buhok ng aktres ay inilagay sa isang ultraviolet-protected case. Tinatantiyang maibebenta ito sa halagang $6,000 hanggang $8,000. Nakuha ang buhok ng aktres sa kanyang hairdresser bago ito namatay noong 1962.

Ang mga memorabilia na ilalagay sa auction ay galing sa matalik na kaibigan ng aktres na si Frieda Hull na nakapagtago ng ilan sa mga kagamitan ni Monroe noong ito ay namatay.

Marilyn Monroe

Si Marilyn Monroe ay ipinanganak bilang Norma Jeane Mortenson subalit bininyagan bilang Norma Jeane Baker. Isa siyang popular na aktres, mang-aawit at modelo.

Ginampanan ni Monroe ang mahigit sa 29 na mga pelikula at naging bida sa 15 sa mga ito. Nakatanggap siya ng napakaraming parangal; kabilang dito ang tatlong Golden Globe.

Taong 1950 ay naging isa siyang simbolo ng seks sa kanluraning mundo. Nakilala rin siya dahil sa kanyang tatlong bigong pagkakakasal kina James Dougherty na isang pulis, kay Joe DiMaggio na isang manlalaro ng baseball, at kay Arthur Miller na isang mandudula o manunulat ng dula.

Samantala, sa kabila ng mga kabiguan sa pag-ibig ay nanatiling makinang ang bituin ng aktres.

Si Monroe din ang ang pinakaunang babae na lumikha ng sariling iskrip para sa isang pelikula na inaprobahan ng kanyang director.

Binigay niya rin ang kanyang oras para makatulong sa mga charity kabilang na ang USO, The Milk Fund,the Muscular Dystrophy Association, the Arthritis Foundation, at The March of Dimes.

Nagbigay rin siya ng kanyang pera upang makapaghandog ng donasyon para sa mga batang ulila.