Bong Revilla muling humingi ng furlough para magpaayos ng ngipin




Image from Page One

MAYNILA, Pilipinas – Muling naghain ng mosyon si dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa Sandiganbayan upang humiling ng tatlong araw na furlough para umano sa pagpapaayos ng kaniyang ngipin.

Si Revilla, na nahaharap sa kasong pandarambong [plunder], ay kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame. Natapos ang kaniyang termino bilang senador noong ika-30 ng Hunyo habang siya ay nasa kulungan kasama ang kaniyang kaibigan at kapwa mambabatas na si Jinggoy Estrada.

Sa isang mosyon na inihain ni Revilla sa pamamagitan ng kaniyang mga abogado, humingi ng permiso ang senador mula sa Fifth Division upang payagang makalabas nitong darating na ika-13, 16 at 23 ng buwang kasalukuyan upang magpatingin sa kaniyang dentista sa Makati bandang alas 2:00 ng hapon.

Sinabi ni Revilla na siya ay sasailalim sa ‘first stage implant surgery’ sa unang araw, ‘post-operation check-up’ sa pangalawa, at ‘suture removal and stayplate denture reline’ sa huling araw sa  Gan Advanced Osseointegration Center (GAOC) sa unang palapag ng The Residences sa Greenbelt Center.

“From the foregoing, Senator Revilla respectfully beseeches this Honorable Court that he be allowed to undergo the recommended dental procedures stated above,” saad ng mosyon ng senador.

Binanggit din ni Revilla ang payo ng kanyang dentist na si Dr. Steve Mark Gan base sa rekomendasyon ng huli na may petsang ika-11 ng Abril at ika-20 ng Hunyo ng taong kasalukuyan na kailangan ng molar ng nakakulong na aktor upang maiwasan ang komplikasyon sa hinaharap.

“It was then determined that Senator Revilla is now qualified for implant placement, consistent with the Dental Certificate dated 11 April 2016 issued by Dr. Gan,” saad ng pagpapatunay ni Dr. Gan.

“Dental implant for him is also the most conservative approach,” dagdag pa nito.

Oktobre noong nakaraang taon nang payagan si Revilla ng korte na lumabas sa loob ng limang araw sa kapareho ring dahilan.

Hindi pa nagsisimula  ang pormal na paglilitis sa kasong plunder ni Revilla dalawang taon matapos itong sumuko sa bisa ng arrest warrant na pinalabas ng Sandiganbayan dahil sa diumano’y pagbubulsa ng mambabatas ng halos P224 milyon mula sa kaniyang sariling pork barrel.