Lani Mercado, naging emosyonal sa Facebook




Larawan mula sa Facebook ni Lani Mercado Revilla

MAYNILA, Pilipinas — Naging kapansin-pansin sa social media kamakailan ang isang malungkot na post ni Bacoor Mayor Lani Mercado na siyang caption sa larawan nila ng kabiyak niya na si Senador Bong Revilla na kasalukuyang nakakulong.

Ayon sa Abante, nagpost umano si Mercado ng larawan nila ni Revilla na kuha sa tanggapan nito sa Senado, kung saan  kasama pa nila ang mga kapatid nito.

“Isang mahaba at malalim na paghinga. Magdadalawang taon na ‘di naririnig ang tinig ng iyong boses ng dingding ng ating tahanan,” saad ni Mercado.

“Ang yabag ng iyong mga paa sa sahig, ang amoy ng iyong pabango sa pagpasok mo sa bahay. Kailan kaya muli namin itong madarama… kailan?” dagdag pa niya.

Noong ika-20 ng Hunyo 2014, si Revilla ang kauna-unahang naaresto at nakulong dahil sa plunder at graft charges kaugnay ng pork barrel. Pagkatapos ng tatlong araw ay si Senador Jinggoy Estrada naman ang ikinulong, at huling ipinasok sa piitan si Senador Juan Ponce Enrile.

Malaking pagbabago ang naganap kay Revilla at sa buo niyang pamilya sa loob ng dalawang taon sa Camp Crame at patuloy itong nakikipaglaban sa kinakaharap niyang kaso sa Sandiganbayan.

Paalam, Senado

Samantala, ngayong katapusan ng buwan ay matatapos na ang pagiging senador ni Revilla. Sa isang panayam, nagbiro pa ito na magiging first gentleman na raw siya ng Bacoor, Cavite.

Matatandaan na nagwagi si Mercado bilang alkalde ng Bacoor, Cavite noong nakaraang eleksyon; Mayo 9, 2016.

Samantala, ang anak nila na si Jolo Revilla ay muling nahalal bilang bise gubernador ng Cavite. Matatandaan na sa kasaysayan ng buhay ni Jolo sa pulitika ay kinilala siya bilang pinakabatang bise gubernador na nahalal sa Pilipinas. Tinalo niya ang naunang rekord ng yumaong Senador Benigno Aquino, Jr. na nahalal sa parehong posisyon sa Tarlac noong taong 1959.