Kapatid ni Nora Aunor na si Eddie Boy Villamayor, pumanaw na




Image from Arnold Gamboa's Facebook account

Si Eddie Boy Villamayor, ang pinakabatang kapatid na lalaki ng beteranang aktres na si Nora Aunor, ay pumanaw na sa edad na 56 nitong madaling araw ng Hunyo 27.

Namatay si Eddie Boy sa Far Eastern University Hospital sa Fairview, Quezon City kung saan siya naratay nang matagal mula nang ma-stroke siya noong Hulyo 2015.

Isang teen star si Eddie Boy noong dekada sitenta. Naging kabilang siya sa grupo ng kabataan na “Apat na Sikat” kasama ang mga iba pang dating matinee idol na si Arnold Gamboa, pinsang si Lala Aunor at Winnie Santos na nakababatang kapatid ni Vilma Santos. Kalaunan, si Eddie Boy ay pinalitan ni Dondon Nakar sa teen group.

Nakilala ang husay ni Eddie Boy sa pag-arte sa mga pelikulang: “Alkitrang Dugo” (1975), “Banaue” (1975), “Niño Valiente” (1975) at “Minsa’y Isang Gamu-gamo” (1976).

Sa ulat ng PEP, inilahad diumano ni Arnold Gamboa sa Facebook ang nadaramang kalungkutan sa pagpanaw ng co-star at kababata. Si Lala Aunor ang nagbalita kay Arnold sa pagpanaw nito.

Image by Arnold Gamboa via Facebook account
Image by Arnold Gamboa via Facebook account

Ang mga labi ni Eddie Boy ay nakaburol sa  Loyola Columbary, sa Commonwealth, Quezon City, ayon kay Edwin Santiago ng PEP.