Jolo, kinakitaan ng lungkot sa oath-taking sa Cavite




Imahe mula sa Facebook ni Jolo Cares

CAVITE, Pilipinas —  Bakas ang lungkot sa mukha ni Jolo Revilla nang manumpa siya sa muli niyang pagkakahalal bilang bise gobernador ng Cavite.

Ayon sa ulat mula sa Abante, halata ang kalungkutan sa mukha ni Revilla habang ginaganap ang oath-taking nila ng bagong Gobernador na si Boying Remulla, na isinagawa sa Holy Cross Parish Church sa Tanza, Cavite.

Katulad noong nanumpa siya tatlong taon na ang nakararaan, kasama ni Jolo sa oath-taking niya ang kanyang ina na si Lani Mercado at mga kapatid. Ngunit may kulang ngayong taon.

Sinasabi ng ilan na marahil ay dahil wala na ang dating kasintahan niyang si Jodi Sta. Maria sa kanyang tabi.

Taliwas dito, inamin ni Jolo sa isang panayam ang dahilan ng kalungkutan niya.

“Sabi ko nga kanina no’ng katabi namin si Gov. Jonvic Remulla, sabi ko nga ‘Gov, sa totoo lang sobrang lungkot ko kahit naka­ngiti ako, dahil parang hindi kumpleto dahil wala ‘yung tatay ko,” aniya.

Noong ika-20 ng Hunyo 2014, ang ama ni Jolo na si Senador Bong Revilla ang kauna-unahang naaresto at nakulong dahil sa plunder at graft charges kaugnay ng pork barrel. Pagkatapos ng tatlong araw ay si Senador Jinggoy Estrada naman ang ikinulong, at huling ipinasok sa piitan si Senador Juan Ponce Enrile.

Malaking pagbabago ang naganap kay Revilla at sa buo niyang pamilya sa loob ng dalawang taon niyang pagkakapiit sa Camp Crame at patuloy itong nakikipaglaban sa kinakaharap niyang kaso sa Sandiganbayan.

Paalam, Senado

Samantala, ngayong katapusan ng buwan ay matatapos na ang pagiging senador ni Revilla. Sa isang panayam, nagbiro pa ito na magiging first gentleman na raw siya ng Bacoor, Cavite.

Nagwagi si Mercado bilang alkalde ng Bacoor, Cavite noong nakaraang eleksyon; Mayo 9, 2016.

Matatandaan na sa kasaysayan ng buhay ni Jolo sa pulitika ay kinilala siya bilang pinakabatang bise gobernador na nahalal sa Pilipinas. Tinalo niya ang naunang rekord ng yumaong Senador Benigno Aquino, Jr. na nahalal sa parehong posisyon sa Tarlac noong taong 1959.