
“We are raising children, not houses.”
Nabasa lamang sa internet ng isang Mommy ang linyang ito ngunit nagsilbi itong magandang topic para sa kanyang pagmumuni-muni at kanya itong ibinahagi sa kanyang Facebook wall.
Ayon kay mommyerikajane, tama naman ang linyang ito na nakita niya sa Instagram.
“Maganda na malinis at maayos ang bahay palagi pero, sa totoo lang, sobrang hirap panatilihin na malinis ang isang bahay sa buong araw. Sa paglilinis na lang mauubos ang oras mo kesa sa mga importanteng bagay,” aniya.
Magmula umano noong bumukod silang mag-asawa, napagtanto niya na “Sometimes, you can’t win them all”.
Inilahad niya ang ilang realisasyon kaugnay sa bahay at sa kanyang pamilya, lalo na sa aspeto ng pagpapalaki ng mga anak.
Dahil hindi naman biro ang maglinis lalo na kung medyo may kalakihan ang inyong tahanan at wala ka ring alalay o kasambahay, naisip niyang “Malinis na bahay pero naubusan ka naman ng oras sa sarili o sa anak.”
Aniya pa, lalo na sa panahong maliliit pa ang mga anak natin, “Ang daming bonding with my kid pero parang dinaanan ng bagyo ang bahay.”
Kapag nag-supermom powers ka naman, na-realize niyang “Malinis ang bahay at maayos ang anak pero nagkakasakit ka naman sa pagod kasi you want to do it all.” Pagluluto, laba, linis, ligpit, tiklupin, mga hugasin, hardin, atbp… relate ka ba?
Maraming magulang ang naka-relate sa mga realisasyong ito. “Kaway kaway sa mga nanay na kayang tiisin ang kalat pero never kayang tiisin ang anak 😅 “
“Sabi nga ng asawa ko balang araw daw magiging malinis na rin ang bahay namen. Pero malungkot na daw na walang kalat kasi ibig sabihin malalaki na anak namen. Baka daw bigla ko ma-miss ang mga kalat,” sentimyento ng isang netizen.
Sa panahon ngayon at dahil iba iba naman ang sitwasyon ng bawat pamilya, hindi natin dapat ikinukumpara ang ating sarili sa iba dahil mas mahirap talaga kapag may maliliit pang anak at parehong naghahanapbuhay ang mag-asawa at wala ring ibang maaasahan sa paglilinis at ibang house chores.
Kaya’t ang payo ni Mommy Erika Jane, “Ultimately, it all boils down to priorities. Yes, dapat linisin ang bahay pero wag ubusin ang oras sa kakalinis to the point na nakakalimutan na ang mga kasamang nakatira sa tahanan.”
Isipin din umano natin na “Okay lang na gumala o matulog ng may mga kalat. Okay lang na makipagbonding sa anak kahit tambak ang hugasin at labahin. Hindi sayang ang oras mo kapag inuna mo ang pakikipaglaro sa anak mo.”
“Again, we are raising children not houses,” muli niyang pagbibigay-diin.
“Ang hirap i-balanse ano? Pero basta ginagawa mo ang makakaya mo with good intentions, okay na okay na yan. You can still be a good mom kahit na makalat at hindi organized ang bahay. ❤ #mommyerikajane #buhaynanay #motherhood #makalatnabahay #nanay #momlife #nanaylife #momph
Mahigit 10K na ang nag-share ng kanyang muni-muni post dahil sa maganda nitong mensahe. Hindi na mabilang ang mga naka-relate sa kanyang realisasyon. Time management man ang sagot sa house duties, hindi ito madali para sa iba na sobrang hectic ng schedule. Mas magaan umano ang gawaing-bahay kung katuwang din ang ama o kung may yaya o other family members.
Pagbabahagi rin ng iba pang magulang, kapag lumaki na ang mga bata na unti-unti mong naturuan na maging responsable sa mga gawaing bahay at sa pagpapanatili ng kaayusan, magiging hayahay na ang buhay!
You must be logged in to post a comment.