
Alas tres ng hapon…kainitan ng araw. May mga natutulog sa tabi ng kalye na tila hindi alintana ang napakatinding sinag ng nagngangalit na araw.
Halos maligo na sa pawis ang mga naglalakad na tao sa lansangan kahit nakapayong at nagpapaypay sa kanilang sarili. Paano nakatutulog ang mga batang iyun sa napakainit na semento? Ni walang karton man lang na bahagyang sasalag sa nakapapasong sahig.
“Hindi na yata humihinga ang isang iyon…,” ang sabi ko sa isang babae na malapit sa akin.
Nag-aabang sila ng masasakyang jeep o bus patungong Baclaran. “Humihinga po, Ate. Bahagyang tumataas ang tiyan o…” ang sagot ng aking katabi.
“Paano nila nakakayang matulog sa ganyang kainit na semento? Ako nga ay halos mahimatay na sa init.”
“Solvent po, Ate…gumagamit po sila ng solvent para maging manhid sa init at lamig…para hindi maramdaman ang gutom. Marami pong ganyan sa aming lugar.”
Inilapag ko sa kanyang tabi ang hawak kong takeout na pagkain. Sana magising na siya at kumain.
Napakasakit isipin…napakasakit makita. Napapikit na lang ako upang hindi matuloy ang nagbabantang mga luha.
—
Minsan, sa aming paglalakad sa Alabang, nakita ko ang ilang paslit na tila naghaharutan; mga batang lalaki na nasa edad lima hanggang pito siguro. Pumasok sa isang tindahan ang aking anak at naiwan ako sa labas. Hinintay ko na lamang siya at natukso akong mamili ng mga mais, dalandan at gulay sa tabi-tabi.
Sa aking pagtayo, nagdaanan sa aking harapan ang mga marurusing na batang lalaki. May tangan silang plastik at may sinisinghot yatang… rugby??? Tumigil sila at sumandal sa pader; nakatingin sa mga dumaraan.
Napansin kong sinusundan ng tingin ng ilan sa kanila ang dumaraang tila mag-anak; isang lalaki na tangan sa kanang kamay ang isang batang babae at ang katabi nitong tila misis na may buhat namang paslit na maaaring nasa dalawang taon ang edad. Larawan ng isang pamilya; nakangiti lahat habang nakatingin sa isang kilalang fastfood branch sa malapit.
Pumaling ang aking tingin pabalik sa mga batang marurusing na nakalugmok sa sementong madumi. Ang sakit makita ang ekspresyon sa kanilang mga mukha. Inggit ba? May kirot sa puso nila? Halos maririnig mo ang mga mumunting tinig na tila naghuhumiyaw…”Bakit pa kami isinilang?’
[Unang nailathala sa Definitely Filipino Blog taong 2012 at naisipi sa GMA News taong 2015.]
You must be logged in to post a comment.