
Inireklamo ng ilang mga lendee (nangutang) ang isang online lending app dahil sa hindi makatarungang paniningil ng mga ito sa tuwing delayed ang kanilang bayad.
Humahantong daw sa pagpapadala ng bulaklak o korona ng patay sa lamay o kaya naman ay mismong kabaong na ang ipinadadala ng mga ito sa kani-kanilang bahay!
Ayon sa ulat ng 24 Oras sa pamamagitan ni Mark Salazar, ang paraan ng mga online lending app ay tila banta na raw sa kanilang buhay kaya minabuti na raw nilang dumulog sa mga awtoridad.
Kuwento ng isang di-ipinakilalang kliyente, tatlong araw lamang siyang na-delay sa kaniyang pagbabayad subalit kaagad siyang pinadalhan ng korona ng patay sa kanilang bahay.
Emosyonal na kuwento ng babae, “Talagang hindi ko na alam ang gagawin ko sobrang pinahiya ako sa amin. Hindi ko alam na ganyan ang mangyayari sa buhay ko.”
Salaysay ng biktima, 5,000 piso ang inutang niya sa online lending app subalit 2,400 piso lamang ang nakuha niya dahil sa dami ng ikinaltas.
Sa unang palya raw ng kaniyang pagbabayad ay inalok siya ng lender ng isang linggong extension, subalit papatungan ito ng 2,000 fee kaya hindi siya pumayag.
Nagulat daw siya sa sinabi nito sa kaniya.
“Sige ha, ganyan ang tigas ng mukha mo. Sige hintayin mo papadala ko sa’yo,” sabi raw ng lender sa kaniya.
Bukod sa posibleng banta sa kaniyang kaligtasan, labis na kahihiyan daw ang idinulot nito sa kaniya dahil pinag-usapan na siya ng mga kapitbahay.
“Napahiya po talaga ako. Parang kinikilabutan, hindi ko alam ang gagawin ko umiyak na lang ako. Pinagsisigawan pa kami through cellphone…”
Sinabi pa raw sa kaniya na kung hindi pa siya magbabayad, isusunod nang ipadala sa kaniya ang kabaong.
Grabe naman ang naranasan ng isa pang kliyente dahil mismong kabaong na raw ang ipinadala sa kaniya, na nakasakay sa isang puting sasakyan mula sa punerarya. Tumanggi na siyang magpaunlak ng panayam subalit ipinadala niya ang litrato kay Salazar.
Ayon naman sa ulat ng GMA News Online, hinimok ng PNP Anti-Cybercrime Group na lumapit, dumulog, at magreklamo sa kanila ang iba pang mga biktima ng ganitong klaseng online lending apps na mabilis magpautang, mataas ang interes, ngunit maiksing panahon lamang ang ibinibigay para sa pagbabayad.
You must be logged in to post a comment.