Ukulele ensemble performance ng elementary pupils sa isang paaralan sa Dipolog, kinabiliban

Screengrab mula sa FB page na Kung Taga-Oroquieta City Ka

Hangang-hanga ang netizens sa isang trending na video ng mga mag-aaral sa elementarya ng isang paaralan sa Dipolog City, Zamboanga Del Norte, matapos nilang magpakitang-gilas sa pag-awit at pagtugtog sa pamamagitan ng “ukulele” sa harap ng mga bisita para sa opening ceremony ng kanilang paaralan.

Ayon sa social media page na “Kung Taga-Oroquieta City Ka,” bilib na bilib ang mga nagtungo sa opening ceremony ng 100th Founding Anniversary Celebration ng Dipolog Pilot Demonstration School kung saan tumugtog at umawit sa saliw ng ukulele ang Grade 1 hanggang Grade 4 pupils, sa pagsasanay at kumpas ng kanilang gurong tagasanay na si Ma’am Malaya Nonette Ajero.

Click image to watch video

Sa 6-minute video, sabay-sabay na kumanta ng “One Day” ang mga mag-aaral habang sabay-sabay na umiimbay ang mga braso sa pagtugtog ng ukulele, isang maliit na gitara.

“Let us share this to help us spread the talent of the children,” saad pa sa caption.

Ayon sa ulat ng Balita, marami sa mga guro, propesyonal, at netizens ang nanawagan sa Department of Education (DepEd) na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte, na sana raw ay isama na sa curriculum sa elementarya ang pag-aaral ng pagtugtog ng instrumentong pangmusika gaya ng ukulele.

Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens.

“Naiyak ako! Sarap maging bata!”

“Nice performance kids. Keep it up!”

“Very impressive! Well disciplined. Kudos to you all and the trainer.”

“What a great talent! Hoping they will be given a chance to perform internationally… salute to these students and teachers for making their school, city and the country Philippines proud as well!”

“Isa sana na bigyang-pansin or support ang mga ganitong gawain sa school. DepEd, sana ‘yan ang binibigyan n’yo ng priority sa school… thanks po sa school na may mga ganitong activity at program.”

“Saludo po sa mga mahuhusay at masisipag nating guro at sa galing at talino ng mga batang ito.”

“Wow! Kudos to all teachers/trainers at sa lahat ng students na tumugtog… sana isama na sa curriculum ng elem ang mga ganiyang performance para madevelop lalo ang skills ng mga bata habang maaga at ma-indulge sila sa arts and music… mga simpleng instruments ukulele, bamboo flute, etc… kayang-kaya maiprovide and yet it opens the opportunities of the youngsters to unlock their talents. Nakakatuwang pakinggan at panoorin.”

Maging ang premyadong manunulat ng mga kuwentong pambata na si Genaro Gojo Cruz ay natuwa rin sa kaniyang napanood.

“Need itong mai-Balita! Gusto kong yakapin ang cute na mga bata! Saludo sa guro at paaralan sa pagtatanim sa mga bata sa halaga ng sining/musika! Nasa Gabaldon pa sila!” aniya sa kaniyang Facebook post.

Ang husay nila, ‘di ba?