
Umukit sa kasaysayan ng telebisyon at showbiz ang petsang Mayo 31, 2023 dahil nagmistulang “end of an era” ito para sa longest-running noontime show sa bansa, ang “Eat Bulaga!,” matapos nilang ihayag ang pamamaalam dahil sa ilang isyung lumala at hindi naresolba laban sa TAPE, Incorporated na pinamamahalaan ni Romeo Jalosjos, Jr.
Hanggang ngayon, makikita sa opisyal na Facebook page ng EB ang binasang spiels ng TVJ o sina Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey de Leon nang magpaalam sila sa avid Dabarkads viewers sa pamamagitan ng social media, matapos silang pagbawalang umere nang live sa telebisyon noong araw na iyon.
Hindi mabilang ang mga taong nalungkot, celebrities man o pangkaraniwang netizens, sa nangyari sa TVJ; gayundin sa iba pang original Eat Bulaga hosts na sumunod na nagbitiw sa kanila.
Isa na nga rito ang leaf artist na si MM Dacanay, 25, mula sa Biñan City, Laguna na isang solid Dabarkads at tagahanga ng Eat Bulaga simula pa noong bata pa siya.
Kaya naman, agad siyang gumawa ng leaf art ng TVJ upang ipakita ang pagsuporta sa tatlong haligi ng naturang noontime show.
“TVJ”
“Hangga’t may bata, May EAT BULAGA, ” caption ni Dacanay sa kaniyang Facebook post.
Ayon sa ulat ng Balita, bilang isang certified part ng Dabarkads ay naniniwala siyang babalik muli ang programa upang magbigay tuwa sa mga manonood.
“Hanggang sa Muli po Tito ,Vic & Joey. Salamat sa Pagbibigay ng Isang libo’t isang Tuwa sa aming lahat ,” aniya pa.
Samantala, noong Lunes, Hunyo 5, muling umere ang noontime show subalit bago na ang hosts nito.
Ito ay sina Paolo Contis, Betong Sumaya, Buboy Villar, Alexa Miro, at iba pa.
Ayon sa ulat ng PEP, nakiusap sina Paolo na sana ay bigyan sila ng chance ng Dabarkads viewers.
Sinabi ni Tito Sotto III na hindi pa “done deal” ang unang napaulat na lilipat ang TVJ at iba pang OG Eat Bulaga hosts sa TV5, dahil may offer pa sa kanila ang ibang TV network. Pag-uusapan daw muna nila sa isang meeting kung ano ang mga pinal na desisyon nila.
Isa lamang ang tiyak: muli silang magbabalik sa telebisyon at maghahatid ng isang libo’t isang tuwa sa Dabarkads!
Update:
Basahin : TVJ at Dabarkads, kumpirmado na ang paglipat sa TV5 ng Kapatid network
Matapos ang ilang araw na ispekulasyon, mukhang matutuloy na nga ang paglipat nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon, o kilala rin bilang TVJ, sa TV5 ni Manny Pangilinan.
Kinumpirma ito ng pamunuan ng MediaQuest, ang media arm ng kompanya ni Pangilinan na siya ring namamahala sa TV5 nitong Hunyo 6.
You must be logged in to post a comment.