TVJ at Dabarkads, kumpirmado na ang paglipat sa TV5 ng Kapatid network

Matapos ang ilang araw na ispekulasyon, mukhang matutuloy na nga ang paglipat nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon, o kilala rin bilang TVJ, sa TV5 ni Manny Pangilinan.

Kinumpirma ito ng pamunuan ng MediaQuest, ang media arm ng kompanya ni Pangilinan na siya ring namamahala sa TV5 nitong Martes, Hunyo 6.

Hindi naman sigurado pa kung ano ang magiging pangalan ng kanilang programa lalo pa’t umere na muli ang ‘Eat Bulaga’ sa GMA na may bagong mga hosts nitong nakaraang Lunes, Mayo 5.

BASAHIN: ‘Hindi titigil ang pag-ikot ng mundo’: Eat Bulaga tuloy pa rin, may bagong mga hosts na ipapalit

Ayon sa pahayag ni MediaQuest president at CEO Jane Basas, lumagda na ng kasunduan sa kanila ang TVJ para sa bagong aabangang show.

“The MediaQuest Group has entered into an agreement with Tito, Vic and Joey and the ‘Dabarkads’ to produce content for TV5 and other MediaQuest platforms. The deal opens yet another chapter in the long-running celebrated careers of Tito Sotto, Vic Sotto and Joey de Leon,” lahad ng pahayag na binasa sa programa nina Ted Failon at Dj Chacha sa Radyo 5.

“I’m honored that these pillars of the Philippine entertainment industry have agreed to work with us. Our partnership strengthens our ability to continue to deliver the best for Filipino viewers here at home and all over the world.”

“I’m happy that Tito, Vic, and Joey will now call TV5 their new home,” dagdag pa ng pahayag.

Malaki naman ang pasasalamat ng TVJ sa pagkakataong ito na ibinigay sa kanila ng Mediaquest.

“We are thankful to our friends at Mediaquest for this fresh start. Dahil sa ating mga Dabarkads na naging Kapatid, tuloy pa rin ang tuwa’t saya na aming dala,” wika naman ni dating Senate President Tito Sotto.

Dahil sa bagong development na ito, tiyak na aabangang muli ng kanilang mga fans ang pagbabalik ng TVJ sa telebisyon at kung ano ang itatawag nila sa kanilang bagong show.

Excited din sila kung buo nga bang mapapanood sa Kapatid network ang ‘Dabarkads’ na sina  Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Maine Mendoza, Allan K, Ryan Agoncillo at Ryzza Mae Dizon, na sabay-sabay ding nagbitiw sa Eat Bulaga kasunod ng TVJ.