Masikap na tindero ng taho proud sa anak na lisensyadong guro na

Image by Rose Maria via Facebook

Darating ang araw at tuluyan nang mababago ang takbo ng buhay ng isang magtataho matapos maipasa ng kanyang anak ang Licensure Examination for Professional Teachers (LPT) kamakailan. Nagtapos itong cum laude sa kolehiyo at lisensyadong guro na kaya nanlibre sila ng taho sa mga suking mamimili.

Hindi maipaliwanag ng magulang ang sayang kaniyang nadarama dahil sa mga pagsubok na pinagdaanan nila sa buhay, ngunit lahat ng ito ay nalampasan nila.

Image by Rose Marie via Facebook

Wala silang ibang hangad kundi mairaos ang pag-aaral ng mga anak para sa magandang kinabukasan ng mga ito. Ang taho na kanilang ibinebenta araw-araw ay naging malaking tulong sa kanila bilang pangunahing pinagkakakitaan.

Kahit kutyain sila ng iba na “magtataho” lamang daw sila, hindi sila nagpatalo at bagkus ay nagpatuloy sa pagsusumikap. Ang kanilang lakas sa araw-araw ay ang Diyos umano na kanilang pinagkukunan ng tibay at pananalig. At ngayon, sa wakas, natanggap na nila ang mga biyaya na ipinangako Niya.

“Kahit kutyain kami na magtataho lang daw kami. ‘Di namin yun pinansin [at] ipinagpatuloy lang namin ang aming nasimulan. Ang aming lakas sa araw-araw [ay] ang Diyos sa taas, nanalig kami sa kanya,” ang mababasa sa Facebook post ni Rose Marie.

Image by Rose Marie via Facebook

Lubos ang pasasalamat ng ama sa Panginoon at sa kaniyang asawang palaging nakasuporta. Nagpasalamat din ito sa mga anak nila na sumunod sa mga payo nila at hindi isinantabi ang pagsisikap nila.

Hindi nila malilimutan ang mga panahon na pinagtatawanan at minamaliit sila dahil sa kanilang kahirapan. Nagsikap sila nang husto upang lampasan ang lahat ng mga hamon.

Dahil sa kahirapan ay pareho silang mag-asawang hindi nakatapos ng pag-aaral ngunit hindi ito naging hadlang upang malagpasan nila ang mga pagsubok at pagsikapan na mapabuti ang kinabukasan ng kanilang pamilya.

Nagpapasalamat silang mag-asawa sa Diyos, sa kooperasyon ng kanilang mga anak lalo na ang bunso na nagbigay ng karangalan sa pamilya, at siyempre sa taho na siyang naging tulay upang maging propesyonal na guro ang kanilang anak.