
Tamang-tama sa pagdiriwang ng ‘Pride Month” ngayong Hunyo, muling pinatunayan ng magkasintahang heterosexual guy at transwoman na “love wins” matapos silang maikasal sa pamamagitan ng same sex union, sa isang resort sa Lipa City, Batangas.
Ayon sa ulat ng Publiko, hindi matanggal ang ngiti sa sobrang kaligayahan ng transwoman na si Geraldine Mendoza, 38 anyos, nang ikasal sa kaniyang boyfriend na si Joevert Berin, 26 anyos naman.
Ito raw ang kauna-unahang same sex union sa naturang lungsod, batay naman sa ulat ng Brigada Batangas.
Kuwento raw ni Geraldine, nagkakilala sila nang mang-istalk daw sa kaniya sa Facebook si Joevert. Kuwento naman ni Joevert, gandang-ganda raw siya kay Geraldine nang makita ito sa social media at tila “love at first sight” ang naramdaman niya.
Inamin naman ni Geraldine kay Joevert na isa siyang transwoman.
Sabi raw sa kaniya ni Joevert, “Okay lang kahit hindi ka tunay na babae basta makilala lang kita.”
Kuwento pa ni Joevert, “love at first sight” daw ang naramdaman niya kay Geraldine nang masilayan niya ito sa personal.
Lalo raw umano siyang napamahal kay Geraldine nang malaman niya na wala itong pamilya at walang nagmamahal sa kaniya.
Mas lalo raw umigting ang pagmamahal niya kay Geraldine dahil sa lahat daw ng mga babaeng nakarelasyon niya, wala naman daw ni isang nagseryoso sa kaniya.
“Mga ex ko dating babae, hindi ako sineryoso kaya parang wala akong ano sa buhay, pagmamahal, walang nagmamahal sa akin. Kaya naghanap ako ng tao na karapat-dapat sa akin, na mamahalin ako,” ani Joevert sa panayam.
Nagulat naman daw si Geraldine nang ayain siya ng kasal ni Joevert; bagay na hindi niya inasahan.
“Hindi ko in-expect talaga. Blessing ‘yon for me kasi matagal ko nang hinihiling na magkaroon ng real na relationship,” ani Geraldine.
Makikita sa Facebook posts ni Geraldine ang mga litrato at video ng kanilang union.
Mensahe ni Geraldine sa lahat ng kapwa niya miyembro ng LGBTQIA+ community, “Hindi lahat ng tao tatanggapin tayo alam n’yo na ‘yan. Kasi hindi nila naiintindihan ang nararamdaman natin. Madali nila i-judge ang mga nasa komunidad natin kasi di nila alam yung sakit na kelangan natin i-endure.”
“But one thing is for sure, basta tanggap natin kung sino tayo at mahal natin ang Panginoon, those are enough para magkaroon tayo ng kalayaan para maging tayo.”
Congrats, Joevert at Geraldine Mendoza Berin! Tunay ngang love wins!
You must be logged in to post a comment.