
Ilang kontrobersya rin ang hinarap ng aktor na si Paolo Contis na may kinalaman sa kanyang buhay pag-ibig, kaya naman may mga nagsasabi na wala yata itong balak lumagay sa tahimik o mag-settle down, ‘ika nga.
Pero ayon sa kanya, hindi naman daw sa walang plano, nakikita pa rin daw niya ang sarili nag-aasawa, ngunit may mga kailangan muna raw siyang ayusin bago magsimula ng panibagong kabanata.
Sa recent guesting ni Paolo sa Updated with Nelson Canlas, tinanong siya ng seasoned reporter kung nakikita niya ba ang kanyang sarili na magpapakasal at magse-settle down.
“Alam mo maraming nagsasabi sa akin hindi,” natatawang tugon ng aktor na hindi nakatuluyan ang mga ina ng kanyang mga anak. Matatandaang mayroon itong dalawa supling sa kanyang dating asawang si Lian Paz at isa naman sa aktres na si LJ Reyes, habang ang kasalukuyan naman niyang karelasyon ay ang aktres na Yen Santos.
Paglilinaw ni Paolo hangad pa rin niya na mag-asawa pagdating ng tamang panahon, ngunit bago iyon ay kailangan muna raw niyang maayos ang relasyon niya sa kanyang mga anak at maging sa ina ng mga ito. Dahil kung hindi raw niya maaayos, hindi rin daw siya magiging sapat para maging mabuting asawa.
“Kapag lahat ‘yon hindi maayos, tingin ko never akong magiging buo, enough para maging maayos na asawa,” wika niya.
Handa rin daw si Paolo na maging kaibigan ang kanyang mga ex dahil sila raw ang ina ng kanyang mga anak dahil mga naging bahagi rin ito ng kanyang buhay.
“Hindi ito mga ex na wala lang,” aniya. “‘Yong mga taong may kinalaman sa akin kailangang maayos before I actually move forward.”
Pagpapatuloy ng aktor, sa edad niya ngayon, hindi na niya puwedeng pabayaan na hindi ayusin ang mga gusot niya noon para mabuo ang kaniyang pagkatao.
“Feeling ko only that time ako magiging fully ready [to settle down],” saad niya.
You must be logged in to post a comment.