Noodles idinisplay batay sa kulay ng bandila ng Pilipinas

Mga larawan mula sa FB ni Benjie Ygot Agudera/Bhen-j Agudera

Humanga hindi lamang ang mga mamimili kundi maging ang netizens sa ginawa ng isang supermarket sa Sayre Highway, Valencia City, Bukidnon, matapos salansanin ang mga noodles sa estante at makabuo ng bandila ng Pilipinas, bilang paghahanda sa nalalapit na ika-125 taong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan o Philippine Independence Day.

Makikita ang mga litrato nito sa Facebook post ni “Benjie Ygot Agudera (Bhen-j Agudera sa FB),”  nagtatrabaho bilang merchandiser sa NVM Supermarket at nakatalaga sa noodles section.

Kahanga-hangang nasalansan niya ang mga noodles batay sa kulay ng bandila ng Pilipinas, kaya nakakailang kumuha ng noodles dahil baka masira ang kaniyang obra maestra!

Agad naman itong nakarating sa kaalaman ng brand ng noodles na ginamit niya, at humingi ng permisong maibahagi ito sa kanilang opisyal na Facebook page.

“Hi, Bhen-j! Salamat sa pagbahagi ng Happy We! moment na ito. Maaari ba naming i-share ang post mo sa aming page para makita rin ng ibang Lucky Me! fans?”

Agad namang pumayag si Benjie at tila isang malaking karangalan ito para sa kaniya.

Narito naman ang reaksiyon at komento ng mga netizen.

“He needs a raise or a promotion. Few people love their job like that.”

“Ang galing! Good job!”

“Sana padalhan siya ng supply ng brand ng noodles na ginamit niya, for promotion na rin ‘yan ha…”

“Wow ang tiyaga ni Kuya hahaha, sana ma-promote siya.”

“Masyadong ginalingan ni Kuya!”

“Grabe ang dedikasyon mo sa work mo!”

“Ang galing naman ni Kuya! Kung ako ang may-ari ng supermarket na ‘yan, bibigyan ko ng bonus o incentive ‘yan.”

Ayon sa panayam ng DF kay Benjie, dalawang oras daw niyang ginawa ang pagsasalansan.

“Naisipan ko kasi last year ginawa ko rin po ‘yan sa ibang outlet/grocery na na-assign ako… tinry ko lang po ngayon sa NVM Supermarket kasi malapit na rin yung Independence Day,” aniya.

Kung halimbawang may mga customer na kumukuha ng noodles, hinahayaan na lamang niya dahil handa naman siyang mag-refill ulit.

Good job, Kuya Benjie! Mabuhay ka!