‘Anyare?’ Netizen sa Tagum City nasurpresa sa biniling mga balut na hindi kaagad nailaga

Screengrab mula sa FB ni Charlene Prado

Isa ang balut sa mga pagkaing tatak-Pinoy at talagang mabentang-mabenta bilang streetfood; wala yatang kalye o lugar sa Pilipinas na walang nagtitinda nito.

Hindi ba’t pumatok pa nga kamakailan ang “grilled balut” na talagang hype na hype sa social media at talaga naman daw na masarap at bago sa panlasa?

Sa pagkahilig sa balut, napabili ng dalawang trays nito ang netizen na si “Charlene Prado” mula sa Tagum City, Davao Del Norte.

Ngunit ang “pagkakamali” nila, hindi kaagad nila nailaga upang kainin ang mga balut na kanilang nabili.

Tumagal pa raw ng 13 araw bago nila naisipang kunin ang dalawang trays ng balut para maglaga at lumantak nito. Kaya naman sa kaniyang Facebook post noong Mayo 29, makikita sa naka-upload na video kung ano ang nangyari sa ilang itlog.

Click image to watch video

 

Subalit ayon sa ulat ng Balita, hindi raw nila inasahan ang mga bubungad sa kanila.

“Kaya noong May 28, napag-isipan namin na lutuin na , pagkakuha ng kapatid ko sa trays ng itlog, may huni po raw ng sisiw, pero di ako naniwala kaya sinabi ko wait lang wag mo munang buksan, ibi-video ko,” ani Charlene.

At pag-angat nga nila sa nakapatong na unang tray, tumambad sa kanila ang mga humuhuning itik!

 

Napisa na pala ang mga itlog ng balut na matagal na naitago at hindi naluto!

“Unexpected po pero yung mga kapatid ko sinasabi na nila na baka malaki na raw ang sisiw sa balut, hindi na daw dapat ipagbili. Kaya laking gulat ko nung pagbukas na.”

Sa isa pang hiwalay na Facebook post, ipinakita ni Charlene ang ginawa nila sa mga itik na unti-unti nang lumalaki.

Ang ilan daw ay hindi pinalad na mabuhay, subalit ang ilan ay patuloy nilang aalagaan at palalakihin.

Umabot na sa 10k reactions, 18k shares, at 50 comments ang naturang viral FB post.