
Ilang raw lang matapos lumabas ang balitang hiwalay na sina Enrique Gil at Liza Soberano, lumabas naman ang isang larawan kung saan makikita silang magkasama at magkatabi pa.
Ang naturang litrato ay ibinahagi sa Instagram ni Maquie Raquiza Sarmiento, na ayon sa Inquirer ay dating road manager ni Liza na nakabase na ngayon sa Amerika.
Ibinahagi ito ni Sarmiento nitong Huwebes, Hunyo 1 subalit hindi naman tiyak kung kailan talaga ito kinunan. Makikita rito na kasama nina Liza at Enrique ang ilang kaibigan at may simpleng caption lamang na ‘Hanggang sa Muli Pilipinas’.
Maraming fans naman ng LizQuen ang natuwa lalo pa’t ibinalita ni Ogie Diaz sa kaniyang vlog noong Miyerkules lamang, Mayo 31 ang tungkol sa diumano’y paghihiwalay ng magkasintahan.
Ayon kay Ogie, nakarating umano sa kaniya mula sa isang insider ang tungkol sa split ng dalawa na may kinalaman daw sa mga binitawang pahayag dati ni Liza.
Aniya, “Actually, nakarating din sa’kin ‘yan na split na o break na sina Enrique Gil at Liza Soberano. Parang nag-ugat ito sa mga pronouncement o naging statement o mga nakaraang interviews ni Liza, never niyang binanggit si Enrique Gil.”
Lumakas din umano ang ganitong haka-haka matapos hindi man lang batiin online ni Liza sa Enrique sa nagdaang kaarawan nito.
Pahayag pa ni Ogie, nakarating din daw sa kaniya na si Liza ang gustong makipaghiwalay.
“Hindi ko alam kung pareho nilang gusto ‘yun pero ang nakarating sa atin ay choice ni Liza na tutukan muna ang kanyang career programming, kaya wala na raw,” wika pa ng talent manager.
Matapos makatanggap ng pamba-bash dahil ‘fake news’ raw ang balitang inilabas niya, iginiit ni Ogie na maaari namang magsalita ang sinuman kina Enrique at Liza para pabulaanan ito.
Sa ngayon umano, kabilang din siya sa mga nag-aabang kung ano nga ba ang totoo tungkol sa estado ng relasyon ng magkasintahan.
Panoorin ang vlog ni Ogie:
You must be logged in to post a comment.