
Sa halip na mainis ay nagpasalamat pa si Juliana Parizcova Segovia sa mga basher na nag-iwan ng komento sa larawan niya nang sumali sa sagalahan sa Malabon kamakailan.
May mga netizen kasi na nagsabing sa halip na ‘Sagala 2023’ ay naging ‘Sagabal 2023’ ang dinaluhan ng Miss Q and A Season 1 grand winner. Gayunpaman ay sinabi niyang dahil sa mga komentong ito ay naging maingay muli ang kaniyang pangalan.
“Salamat sa lahat ng nagpa-trend ng ‘SAGABAL 2023’ ang daming inquiry ng raket. Namiss ko yang mga ganyan n’yo bashers. Sabi nga di ba BASH IS CASH. Pinaingay nyo na naman ang pangalang JULIANA PARIZCOVA SEGOVIA. Good job,” aniya sa isang Facebook post.
Una nang nagpasalamat si Juliana sa mga sumuporta sa kaniya, lalo na ang mga taga-Malabon na naging mainit ang pagtanggap sa kaniya.
“Maraming maraming salamat din sa lahat ng taga Malabon, sobrang init ng pagtanggap ninyo, parang pang grand finals ang hiyawan at sigawan ng mga tao sa tuwing makikita ang ganda ko. This is your Queen J saying ‘sa lahat ng nagandahan sakin, salamat, sa lahat ng hindi, mamatay ka sa inggit.’”
Kamakailan lang ay nag-viral si Juliana matapos ibahagi ng kaibigang si Darryl Yap ang pagiging maalaga nito sa kaniyang ina.
Kuwento ni Darryl, kapag sumasama ang panahon ay agad umuuwi si Juliana para palitan ang kaniyang ina sa pagtitinda ng pares.
“May sariling sasakyan, may sariling condo, may sariling munting negosyo… pero konting patak ng ulan, uuwi ng Pasay para palitan ang makulit na Nanay na ayaw sumilong dahil ayaw mawalan ng benta,” ani Darryl.
“Iba yung sanay sa hirap, hindi takot sa trabaho… ang tanging kinatatakutan ay maghirap ang mga mahal sa buhay. Pinakuhanan ko siya ng litrato sa driver nya, kasi pinili nyang wag magshoot ng content at kumita—masigurado lang nyang di maulanan ang nanay niya.”
You must be logged in to post a comment.