Joross sa goal bilang aktor: ‘Mas gusto kong magtagal kaysa sumikat’

Halos dalawang dekada na rin sa industriya ang aktor na Joross Gamboa at marami na ring napatunayan sa kanyang karera. Ngayong seasoned actor na siya, ano kaya ang goal niya sa kanyang karera?

Sa recent guesting niya sa Just In, binalikan ni Joross kasama ang host na si Paolo Contis ang naging journey niya simula noong sumali sa Star Circle Quest noong 2004 sa edad na 19.

Bagama’t hindi niya raw binalak kailanman na maging artista, nakikita raw ng aktor na isang biyaya ang pagiging parte ng showbiz industry.

“Aminin natin, kami siguro ‘yong first batch ng reality show na biglang sikat,” aniya. “Walang taong ready. Kumbaga, nasa process ‘yon, e, bigla kang sumikat. Kaya ‘yong iba hindi kayang i-handle ‘yong kasikatan.”

“Pero dahan-dahan kong nakikita ‘yon, dahil sa pinagdadaanan ng iba. Dahil kami, hindi naman ako breadwinner sa family namin, may kaya naman ‘yong parents ko. ‘Yong iba nakikita ko ‘yong, ‘Ito ang mag-aayos ng buhay namin.’ Nakikita ko, bakit ganito kaimportante sa iba, bakit ako wala lang? Dahan-dahan kong natututunan ‘yong process na ‘yon.”

Kaya kung noon ay mas mga romantic-comedy ang ginagawa ni Joross, na naging bahagi rin ng isang love team, ngayon ay iba-ibang role na ang ginagampanan nito, at mas comedy na rin ang ginagawa dahil noon pa man ay masaya raw ito kapag nakapagpapatawa.

Mas naging mahalaga na rin daw sa kanya ang karera bilang artista.

“As I mature, siyempre nagkaroon ka na ng pamilya. It’s not about me anymore, kumbaga para na ‘yon sa pamilya ko. Nasa journey ‘yon, kapag nabibigyan ka ng magandang project o opportunity, nagpa-plant ng seed ‘yon sa journey ko sa pagiging artista,” aniya. “Sa akin kasi, ang longevity ang hinahabol ko. Kasi ang iniidolo ko noon si Tito Eddie Garcia.”

“Nakikita ko ang pattern na ginagawa ko, halimbawa magbabading ako, mag-a-action ako, kontrabida, magla-love team. Nae-enjoy ko naman lahat eh. Hindi ako ‘yung ‘Hindi ako kumportable sa comedy,’ ‘Hindi ako kumportable sa drama.’ Na-e-enjoy ko lahat dahil privilege ang pagiging artista dahil nae-experience mo ‘yung iba’t ibang sitwasyon ng mga tao, iba’t ibang pinagdadaanan,” pagpapatuloy nito. “So mas madali ka mag-grow as a person kasi mas malawak ang pananaw mo. Mas gusto kong magtagal kaysa sumikat.”

Panoorin ang guesting ni Joross sa Just In: