
Patuloy na kinabibiliban ang isang Grade 10 honor student mula sa Negros Occidental dahil bukod sa husay niya sa editorial cartooning na ipinamalas niya sa campus journalism contest, kahanga-hangang nagawa niya ito at napagwagihan kahit wala siyang mga daliri sa magkabilang kamay.
Hindi napigilan ng gurong si “Rene Jun A. Gasper,” campus journalism adviser ng Sagay National high School na hindi ipagmalaki ang mag-aaral na si Kim Guanzon ng Bulanon Farm School, dahil sa kabila ng kondisyon nito ay nagawa nitong makipagsabayan sa mga mag-aaral na kumpleto ang mga daliri sa kamay.
Kahit hindi niya estudyante si Kim at mula pa sa ibang paaralan, humingi raw siya ng permiso sa bata upang i-post ang larawan nito sa social media upang magsilbing inspirasyon sa lahat.
“MAPALAD: Pinatunayan ni Kim Guanzon ng Bulanon Farm School na hindi hadlang ang kapansanan para makamit ang rurok ng TAGUMPAY! Maswerte ang taong kompleto ngunit mas mapalad ang determinado,” aniya sa kaniyang Facebook post noong Mayo 19.
“Champion sa District Press (Conference).”
“Champion again sa Division Press (Conference).”
“Kahanga-hanga ka. Padayon sa regional level!” paghanga ng guro.
Mas humanga pa ang guro kay Kim nang mapag-alamang with high honors din ito sa kanilang paaralan.
Sa ulat naman ng Balita kay Kim, napag-alamang ibayo ang pagsusumikap at pagsasanay ng bata upang magawa pa rin niya ang mga bagay na hilig niya, gaya ng pagguhit.
Hindi raw hadlang ang kaniyang kalagayan upang pagsumikapan ang kaniyang ambisyon, at malaking bagay raw dito ang suporta ng kaniyang mga magulang at pamilya.
Sila pa mismo ang humihimok sa kaniyang sumali sa kompetisyon kahit may mga kumpletong daliri ang kaniyang mga katunggali; hindi siya natatakot na matalo.
Sa kaniyang TikTok account (na nasa FB rin niya) ay ipinakita niya kung paano naman siya gumuguhit gamit ang mga daliri sa paa; bagay na hindi nagagawa ng mga taong may kumpletong daliri sa kamay.
Kahit na hirap sa kaniyang kapansanan, kakikitaan pa rin ng magandang disposisyon at pag-asa sa mukha ni Kim.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens.
“Congratulations! Good job!”
“Nakaka-inspire ka to do better!”
“Very inspiring lalo na sa mga kompleto ang body parts!”
Pagbati sa iyo, Kim! Galingan mo pa sa mga susunod mong laban!
You must be logged in to post a comment.