
Hindi dahilan para tumigil ang pag-ikot ng mundo kaugnay sa pag-alis ng mga pangunahing hosts ng Eat Bulaga na pinangunahan nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey De Leon; ito ang buod ng pahayag ng TAPE Inc., bilang sagot sa pagbibitiw ng mga nabanggit na personalidad.
Nagulantang ang buong entertainment industry sa biglaang pagbibitiw ng TVJ sa iconic na noontime show na inanunsiyo nila nitong nakaraang Miyerkules, Mayo 31.
Samantala, sa pahayag naman na inilabas ng TAPE, sinabi nitong nalulungkot sila sa naging desisyon ng tatlo subalit iginagalang umano nila ito.
“TAPE, Inc. is saddened by the turn of events yesterday, May 31, but we respect the decision of the hosts to leave ‘Eat Bulaga’ and GMA 7 Network, which has been their home for 28 years,” ayon sa pahayag ng TAPE.
Malaki rin ang pasasalamat nila sa mga taong nagtrabaho at nagsakripisyo para sa programa sa loob ng 43 taon subalit ang tagumpay raw ng Eat Bulaga ay hindi lamang nakadepende sa tatlong tao, na ang tinutukoy ay ang TVJ.
Nangako rin ang TAPE na patuloy na magbibigay-saya ang Eat Bulaga sa mga Pilipino sa pamamagitan ng mga bagong hosts na kanilang ipakikilala sa mga darating na araw.
“Abangan ninyo ang mga bagong magpapasaya at magpapatibok ng ating mga puso. Aasahan ninyo ang mas masaya, mas nakakaaliw at HIGIT PA SA ISANG LIBO’T ISANG TUWA na Eat Bulaga. Patuloy ang Dabarkads na maglilingkod para sa inyo, mga Kapuso MULA APARRI HANGGANG JOLO AT SA BUONG MUNDO,” wika pa ng pahayag.
Maliban kina Tito, Vic at Joey, sumunod ding nagbitiw bilang hosts sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Maine Mendoza, Allan K, Ryan Agoncillo at Ryzza Mae Dizon.
Willie Revillame sa ‘Wow Bulaga’?
Samantala, hinala naman ng mga netizens ay posibleng si Willie Revillame ang ipapalit ng TAPE bilang host at tatawagin ang programa bilang ‘Wow Bulaga’.
Subalit una nang itinanggi ito ni Willie at maging ni Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos na isa sa opisyal ng TAPE.
Lumabas din ang balitang posibleng lumipat sa TV5 ang Eat Bulaga habang may alok din umano ang PTV-4 para maging bagong tahanan nito na kinumpirma naman ni PTV Network General Manager Dr. Julio O. Castillo Jr. sa isang panayam kamakailan.
Dahil dito, mas lalong naging kasabik-sabik kung ano nga ba ang magiging development sa kontrobersiyang ito kaya patuloy ang pag-aabang ng mga netizens.
Panooring ang pahayag ng TVJ hinggil sa kanilang pagbibitiw:
You must be logged in to post a comment.