Diego Loyzaga usap-usapan dahil sa kargang baby; daddy na ba siya?

Mga larawan mula sa FB ni Diego Loyzaga

“Daddy na ba si Diego Loyzaga?”

Iyan ang tanong ng mga netizen matapos ibahagi ng aktor na anak nina Cesar Montano at Teresa Loyzaga ang kaniyang larawan habang karga ang isang baby, na hindi naman ipinakita ang mukha.

“The best birthday gift ever,” ani Diego sa caption ng kaniyang post.

Bumaha naman ng pagbati mula sa mga netizen na nabigla sa kaniyang ibinahagi.

Kahit ang mga personalidad sa showbiz ay nagpaabot na rin ng pagbati sa Instagram post niya, kagaya nina Wilbert Ross, Jameson Blake, Christian Bables, Luis Hontiveros, Enzo Pineda, Tim Yap, Jose Felizalde, Troy Montero, Dominic Roque, Darla Sauler, at dating misis ng tatay na si Sunshine Cruz ay nagpahatid na rin ng pagbati sa kaniya.

Hindi naman ibinahagi nh 28-anyos na ama kung sino ang ina ng bata, na ayon sa mga tsika, ay isang non-showbiz personality.

Sa ulat naman ng Abante News Online, Abril pa lamang daw ay may nakapagsabi na sa kanilang buntis ang jowa ni Diego na naninirahan sa Australia.

Ayon pa sa nagsitsit sa kanila, wala naman daw balak ilihim ni Diego ang pagiging daddy niya; kalat na kalat na nga raw ito sa mga taga-Viva Artist Agency, ang namamahala sa kaniyang showbiz career.

Bandang Mayo raw nang umuwi sa Pilipinas si Diego upang magtrabaho at tapusin ang shooting at pictorials para sa pelikulang “Will You Be My Ex” na unang pagtatambal nila ni Julia Barretto, kasama pa si Bea Binene.

Ngayong Hunyo, bumalik daw sa Australia si Diego dahil nais niyang kasama siya ng girlfriend kapag nanganak na ito.

Sabi ng isa pang nakausap namin, manganganak na raw kasi ang non-showbiz girlfriend ni Diego.

“Sobrang excited si Diego na magiging tatay na siya,” tsika ng kausap ng sumulat ng artikulo tungkol dito.

Matatandaang bago ang non-showbiz girlfriend, lumikha ng ingay ang hiwalayan nila ng Kapamilya actress na si Barbie Imperial, matapos ang pagdiriwang nila ng anibersaryo bilang couple.

Naugnay rin siya sa kaniyang nakatambal sa pelikula at dating Pinoy Big Brother (PBB) housemate na si Franki Russell, subalit nilinaw nilang magkaibigan lamang sila at walang label.

Kaya marami ang nagulat na may baby na si Diego dahil naging tahimik ang aktor sa kaniyang buhay-pag-ibig.

Well, congrats na lamang kay “Daddy Diego!” at good luck sa panibagong yugto ng kaniyang buhay bilang isang tatay!