
Naranasan mo na bang mapagkamalang ice cream ang tumigas na sauce sa loob ng inyong refrigerator?
Ganiyan ang nangyari sa isang netizen na nagngangalang “Cris Andam” matapos niyang ibahagi sa Facebook post ang kaniyang “Wow Mali” moment matapos mapagkamalang ice cream ang nagyelong sauce ng carbonara na nakalagay sa container ng isang kilalang ice cream brand.
Kung titingnan nga naman kasi ang hitsura nito kapag binuksan na, aakalaing ice cream ito na ang flavor ay Double Dutch.
Saka lamang niya nakumpirmang hindi pala ito ice cream kundi Carbonara sauce, nang matikman na niya ito.
“(Mura) ‘yan kala ko ice cream, sauce pala ng carbonara. #SaUnangKagatCarbonaraLahat #Paasa,” aniya.
Nagdulot naman ito ng laugh trip mula sa mga netizen, ayon sa ulat ng Balita.
“Walang pang-amoy yarn?”
“It means tama ang survey na marami ngang Pilipino ang nagugutom.”
“Normal na lagayan lang pag naubos na ice cream ganiyan din ginagawa naming lagayan ng mga natirang ulam or ulam na fresh tapos lalagay sa ref.”
Kaugnay na pangyayari, trending din ang Facebook post naman ng isa pang netizen na si “Angelo Jose” mula naman sa Bulacan, tampok ang bagong disenyo ng lalagyan ng isang ice cream brand kung saan see-through na ito, kaya’t wala na raw malilinlang kapag pinaglagyan ulit ito ng isda.
Basahin: Bakit nga ba viral ngayon ang bagong lalagyan ng Selecta ice cream?
Sa mga Pilipino, nakasanayan na kasing gamiting lalagyan ng mga tirang pagkain o mga biniling karne at isda sa pamilihan, kaysa naman sa itapon ito. Mapakikinabangan pa naman!
Sa ulat ng Balita, isinalaysay ni Angelo na napadaan siya sa isang convenience store para mag-almusal bago pumasok sa trabaho nang mapansin niya ang ice cream freezer dito.
“Naupo ako sa tabi ng ice cream freezer nang mapansin ko na iba na yung lalagyan nila at kita na ‘yung laman. Pumasok agad sa isip ko yung mga biruan at memes na isda o ulam ang laman ng lalagyan ng ice cream kaya naisip ko agad ipost,” aniya.
You must be logged in to post a comment.